KRITIKAL ang kalagayan ng isang 19-anyos lalaki nang tamaan ng bala sa ulo makaraan magpaputok ng baril ang isang AWOL na pulis sa Taguig City, nitong Lunes ng gabi.
Inoobserbahan sa Taguig-Pateros District Hospital ang biktimang si Joven Manalastas, residente sa Purok 5, V.P. Cruz St., Brgy. Lower Bicutan.
Kinilala ni Taguig City Police chief, S/Supt. Alexander Santos, ang lasing na suspek na si PO1 Abraham Ventura, nasa hustong gulang, at dating nakatalaga sa Manila Police District (MPD).
Sa ulat ni Chief Inspector Ramon Laygo, hepe ng Station Investigation and Detective Management Branch ng Taguig City Police, nangyari ang insidente sa V.P. Cruz 5, Brgy. Lower Bicutan ng lungsod, dakong 11:50 ng gabi.
Sa imbestigasyon, naglalakad ang suspek na si Ventura kasama ng isang nagngangalang Ian nang makasalubong nila ang dispatcher ng jeepney na si Jhon Rich Layson.
Sa hindi mabatid na dahilan, biglang sinapak ni Ian si Layson.
Bunsod nito, tumakbo si Layson patungo sa kinatatayuan ng biktimang si Manalastas.
Nang magpaputok ang suspek ay hindi si Layson ang tinamaan kundi si Manalastas.
Isinugod ng mga saksi sa ospital si Manalastas habang tumakas ang suspek makaraan ang pamamaril.
(JAJA GARCIA)