INIANUNSIYO ni Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go sa harap ng libo-libong Filipino sa Hong Kong, hindi muna aalisin ang labor attache na si Jalilo de la Torre.
Inimbita si Go ng mga kababayan natin sa HK at nagpasalamat sa kanyang pagiging matapat na kasama ni Pangulong Rodrigo Duterte sa loob ng mahabang panahon.
Katulad ng kanyang sinasabi sa mga pagtitipon sa Filipinas, hindi siya mapapagod sa pagganap sa tungkulin para maserbisyohan nila nang tama ang mga Filipino na naniniwala sa liderato ni Pangulong Duterte.
Si Dela Torre ay kilalang anti-trafficking labor diplomat, at kalaban ng mga notoryus at manlolokong employment agencies, kaya ganoon na lamang ang pagkadesmaya ng maraming OFWs sa Hong Kong nang mabalitaan ang pagpapa-recall sa kaniya sa puwesto.
Isa sa pinakahuling inaksiyonan ni Dela Torre ang pagbasura niya sa isang job order para sa mga Filipina na magsasayaw sa bar.
Ang job order na ito umano ay mula sa isang Filipino na may-ari ng isang employment agency.
Kamakalawa ay kinompirma ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano na mag uusap muna sina Bello at Dela torre.
Inatasan din aniya ni Pangulong Rodrigo Duterte si Go na silipin ang isyung ito.
Umaasa si Cayetano na positibong malulutas ang nasabing usapin.
(ROSE NOVENARIO)