KUNG may American Dream noon, mayroong Filipino Dream ngayon sa ilalim ng Duterte administration.
Sa kanyang mensahe sa pagbukas ng Boao Forum for Asia sa Hainan, China, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa harap ng Asian leaders at business leaders, unti-unti nang nakakamit ang Filipino Dream.
“For far too long, the Philippines has nurtured the dream of a comfortable life for our citizens. We want a society where there are opportunities for all. We want a nation where the hard working, the talented, and the law-abiding can advance together and move up the socio-economic ladder,” anang Pangulo.
Batid ng Pangulo na may mga balakid sa pagkamit ng Filipino Dream tulad ng peace and order situation, illegal drug trade na sumisira sa pangarap ng bawat pamilyang Filipino, terorismo at ang paglaban sa korupsiyon.
“With China, we stand together in the war on criminality and illegal drug trade. We are shoulder to shoulder in the fight against terrorism and violent extremism. Make no mistake: there can be no progress without stability in Asia’s lands and waters,”ayon sa Pangulo.
Binigyang diin din ng Pangulo ang kahalagahan ng tulong ng malalaki at mayayamang bansa sa Asya para tulungang umangat ang isang maliit na bansa tulad ng Filipinas sa pamamagitan ng investments.
Hinikayat ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga negosyante sa China na mamuhunan sa Filipinas.
Sa kaniyang mensahe sa pagbubukas ng Boao Forum for Asia, binigyang diin ng Pangulo na sa kabila ng mga kinakaharap na hamon ng Filipinas, hindi ito magpapaawat.
Naghahanap aniya ang Filipinas ng business partners mula sariling bayan at maging ng mga dayuhang mamumuhunan na pawang mga responsable.
Ayon sa Pangulo, pinadali na nila ang sistema ng pagne-negosyo sa Filipinas at pinalakas ang policy framework para lalo itong sumigla.
Ginarantiyahan ng Pangulo sa mga dayuhang mamumuhunan ang kaligtasan ng kanilang negosyo sa harap nang pinahusay na peace and order sa bansa.
Mahigpit na aniya ngayon ang gobyerno at hindi na pinalulusot ang anomang uri ng korupsiyon, upang hindi maging hadlang sa negosyo.
Naniniwala si Pangulong Duterte na sa pagiging bukas ng Filipinas para sa mga responsableng negosyante, lalaki ang antas ng oportunidad para sa maraming masisipag at talentadong Filipino na sumusunod sa batas.
(ROSE NOVENARIO)