ISINUSULONG ni District 1 Rep. Vincent “Bingbong” Crisologo na maging “happy” ang lahat ng mamamayan ng Lungsod Quezon sa pamamagitan ng kompletong ayudang medikal na kahintulad ng health plus program ng Makati City.
Ayon kay Crisologo na sasabak sa pagiging QC Mayor ay walang sinumang dapat umanong mamatay sa pagkakasakit nang dahil lamang sa kahirapan.
“Saan pupunta ang isang may sakit? Kahit sa Quezon City General Hospital, East Avenue Medical Center o Quirino Memorial Medical Center ay may bayad,” aniya.
Sa isang pagkikita, nabanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Crisologo ang kanyang layuning matugunan ang pagtulong sa may masakit na walang kakayahang makapagbayad sa mga ospital at ang kawalan ng hanapbuhay.
“Dito sa atin, hindi ka gagalawin ng doktor kung wala kang ibabayad. What I will do is to adopt the yellow [health] card of Makati City. Walang matakbuhan ang mga may sakit,” aniya.
Ang yellow card sa Lungsod Makati ay nagbibigay ng mga benepisyo tulad ng libreng outpatient consultations, emergency at in-patient care sa Ospital ng Makati, libreng laboratory at diagnostic services sa mga ospital at satellite laboratories sa mga barangay health centers, at monthly supply ng libreng gamot.
Diin niya, ang kanyang buhay ay isang bukas na aklat.
“Sa pamamagitan ng pelikulang ‘The Vincent Crisologo Story’ na ginampanan ng beteranong aktor na si Rudy Fernandez, magpapatunay ng isang malaking himala nang pagbabago sa aking buhay,” aniya.
Si Crisologo ay isang kilalang Catholic Charismatic preacher na nagtatag ng Loved Flock Catholic Charismatic Community. (RAMON ESTABAYA)