INIHAYAG ni Pangulong Rodrigo Duterte kahapon, na si PNP-National Capital Region Police Office chief, Director Oscar Albayalde ang papalit kay Director General Ronald “Bato” dela Rosa bilang hepe ng Philippine National Police.
“May bago tayong chief PC. I’m going to announce it now, it’s Albayalde,” anang Pangulo sa kanyang talumpati sa GAWAD SAKA 2017 at Malinis at Masaganang Karagatan 2017.
Ang una niyang direktiba kay Albayalde, lakihan ang mga bilangguan at hayaan ang mga detenido na bumili ng sarili nilang pagkain.
“And sabi ko sa kanya, lakihan mo ‘yung presohan mo kasi isaksak ko lahat kayo riyan. Huwag kayong bumili ng pagkain kasi huwag ninyong pakainin ‘yung…Sila ang magbili ng sarili nilang pagkain,” anang Pangulo.
Kuwento ng Pangulo, kinonsulta niya ang mga kaibigan sa Davao kung sino ang ipapalit kay Bato bilang chief PNP at si Albayalde ang inirekomenda sa kanya dahil estrikto anila ang heneral.
“Kasi tinatanong ko ‘yung mga taga-Davao. I mentioned two other names. Sabi nila, “‘Yan sir, mahusay ‘yan, sir, mabait.” Tinanong ko, “si Albayalde?” “Sir, masyadong estrikto ‘yan.”
‘Yan si Albayalde ang inyo. Then Albayalde is the man for you. So the stricter the better. Tutal wala naman tayong ano niyan,” sabi ng Pangulo.
Nakatakda ang PNP chief turnover ceremony sa 19 Abril.
Matatandaan, nakatakdang magretiro si Bato sa kanyang ika-56 kaarawan, ang mandatory retirement age, noong 21 Enero, pero pinalawig ni Duterte ang kanyang serbisyo sa pulisya hanggang ngayong buwan bago umupo bilang bagong Bureau of Corrections chief.
(ROSE NOVENARIO)