TINANGGAP ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbibitiw ni Vitaliano Aguirre II bilang justice secretary.
“But may I just also tell you now that I conferred with the officials. I accepted the resignation of Vit Aguirre, my fraternity brother, as Secretary of Justice. I am now looking for a replacement,” anang Pangulo sa kanyang talumpati sa Gawad Saka 2017 sa Palasyo kahapon.
Batay sa Palace source, si Senior Deputy Executive Secretary Menardo Guevarra ang itatalagang acting justice secretary.
Matatandaan, naging kontrobersiyal si Aguirre sa umano’y pangingikil ng P50-M ng dalawang Bureau of Immigration officials kay gaming tycoon Jack Lam kapalit ng kalayaan ng 1,316 Chinese na mga empleyado ng Fontana Leisure Parks and Casino.
Sumabit din si Aguirre sa pagbasura sa drug trafficking case laban kina self-confessed drug lord Kerwin Espinosa at Peter Lim.
Noong 4 Enero 2017 ay nilagdaan ni Aguirre ang Department Circular No. 004 na nagsasaad na kailangang pakawalan ang sinomang akusadong nahaharap sa drug related case na may parusang habambuhay na pagkabilanggo habang isinasailalim sa automatic review kapag naibasura ang kaso ng National Prosecution Service (NPS).
ni ROSE NOVENARIO