ISINUGOD ang isang babaeng senior citizen sa San Juan De Dios Hospital sa Pasay City nang matumba at masaktan makaraang maatrasan ng isang pamilyang nag-paretrato sa paraang ‘selfie’ sa departure waiting area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 kahapon ng tanghali.
Ayon sa Manila International Airport Authority (MIAA), itinakbo sa ospital si Juliana Lipan, 83 anyos, residente sa Bagong Lipunan, Liberty, Quezon City, dahil nahirapang huminga sa pagkakabagok ng kanyang ulo at katawan nang tumama sa bakal ng entrance gate ng departure terminal.
Sinabi ni Micheal Navarro Oclos ng Mandaluyong City, handa niyang panagutan ang lahat ng gastusin sa ospital na pinagdalhan sa matanda.
Ayon sa Airport Police Department (APD), kapwa naghatid ng kani-kanilang kapamilya sa airport sina Lipan at Navarro, pero bago pumasok sa loob ng terminal ang kamag-anak ni Navarro ay nag-selfie muna, nguni’t bigla na lamang naatrasan ang matanda na ikanabulagta nito sa semento.
Ayon kay Dra. Rowena Bernal, ng MIAA Medical team, nakita niya ang matanda na nahihirapang huminga saka sumasakit ang likod dulot ng pagkakabagsak sa semento.
Matapos suriin at mabigyan ng paunang lunas, saka dinala ng medical team sa ospital si Lipan upang doon isailalaim sa pagsusuri ang buong katawan nito.
(GMG)