INATASAN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Department of Foreign Affairs (DFA) na suriin ang ulat na hinatulan na ng korte sa Kuwait ng parusang bitay ang mag-asawang Lebanese at Syrian na suspek sa pagpatay sa OFW na si Joana Demafelis.
Sinabi ni Senior Deputy Executive Secretary Menardo Guevarra, ang atas ng Pangulo ay para matiyak na totoo ang balita lalo’t hindi naman nakakulong sa Kuwait ang mga suspek na sina Nader Essam Assaf at Mona Hassoun.
Ikatutuwa aniya ng Palasyo kung totoo ang balita dahil nangako sila sa mga kaanak ni Demafelis na bibigyan ng hustisya ang OFW na isinilid sa freezer ang bangkay nang halos isang taon.
Dagdag ni Guevarra, hindi lang ang Pangulo ang matutuwa kundi maging ang taong bayan na mahatulan ng bitay ang mga employer ni Demafelis.
Isa rin aniya sa mga tinitingnan ng pamahalaan ng Filipinas ang extradition treaty sa pagitan ng Kuwait, Lebanon at Syria para makuha ang mga suspek at maparusahan ng bitay sa Kuwait.
Matatandaan, hinatulan ng bitay “in absentia” ng Kuwaiti criminal court ang mag-asawang Assaf at Hassoun.
(ROSE NOVENARIO)