SINAMPAHAN ng kasong qualified theft sa Pasay City Prosecutor’s Office ang dalawang tauhan ng Office of Transportation Security (OTS) na sinasabing umamin sa pagtangay sa pera mula sa bagahe ng isang turistang Hapones sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 nitong 28 Marso.
Sinampahan ng kaso sa piskalya sina OTS intelligence agent-aides Stephen Bartolo at Demie James Timtim dakong 9:00 ng umaga kahapon.
Isinama rin sa “stop list” ng Manila International Airport Authority (MIAA) at ipinawalang-bisa ang airport passes nina Bartolo at Timtim.
Una rito, umamin ang dalawa na nagsabwatan sila sa pagtangay sa 1,700 Australian Dollars (AUD) o nasa P68,000 sa turistang si Yuka Sakata.
Itinuro ni Sakata sa mga tauhan ng Airport police, si Bartolo na siyang nagsagawa ng “baggage search” sa kanya sa arrival gate.
Nang isailalim sa pagtatanong, inamin ni Bartolo ang ginawa maka-raan ipakita sa kanya ang isang close circuit television (CCTV) footage na may kinuha siya sa bagahe ng Hapones.
Sinabi rin niya na binigyan niya ng parte si Timtim na papalit na “duty personnel” sa arrival area.
Sa puntong ito, agad pinayuhan ni MIAA General Manager Ed Monreal ang mga pasahero na huwag matakot na sabihin ang mga corrupt na tauhan ng NAIA at sila ay hindi niya kokonsintihin.
Mga bagong panuntunan na ang ipinatutupad sa “passenger baggage handling” sa mga paliparan.
Kabilang dito ang pagsusuot ng body cameras ng baggage handlers maging ang security companies.
Ipinagbawal nang magdala o gumamit ng cellular phone ang mga tauhan ng NAIA, hindi na maaaring magsuot ng mga alahas, habang dapat walang bulsa ang kanilang mga uniporme at hindi maluwag ang mga suot na sapatos.
Binalaan ng pamahalaan ang ground handling companies na sususpindehen o ibabasura ang kanilang mga kontrata kapag may mga tauhan silang napatunayang nagnakaw sa mga bagahe ng mga pasahero.
(JAJA GARCIA)