PAKAKAWALAN ng Department of Justice (DOJ) ang bigtime drug lords kapag ibinasura ng prosecutors ang kanilang kaso kahit isinasailalim sa automatic review ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II.
Ipinagmalaki ni Aguirre sa press briefing sa Palasyo, kinatigan ng Korte Suprema ang nilagdaan niyang Department Circular No. 004 noong 4 Enero 2017 na nagsaad na kailangan pakawalan ang sinomang akusadong nahaharap sa drug related case na may parusang habambuhay na pagkabilanggo habang isinasailalim sa automatic review kapag naibasura ang kaso ng NPS.
Sinabi ni Aguirre, tatlong araw makaraang ibasura ang kaso ay dapat maisumite na sa kanyang tanggapan ang lahat ng dokumento para kanyang repasohin.
“In the interest of the service and pursuant to the provisions of existing laws, the dismissal of all cases whether on inquest, preliminary investigation, reinvestigation or on appeal filed for violation of Republic Act 9165, the Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 and involving maximum penalty of reclusion perpetua or life, shall be subject to automatic review by the Secretary of Justice. The entire records of the case shall be elevated to the Secretary of Justice within three (3) days from the issuance of the resolution dismissing the complaint or appeal as applicable and the parties involved shall be notified accordingly,” ayon kay Aguirre.
Ngunit sa kaso ni self-confessed drug lord Kerwin Espinosa at Peter Lim, noon pang 20 Disyembre 2017 ibinasura ng NPS ang kaso ngunit nitong nakalipas na 12 Marso lamang umano nalaman ni Aguirre matapos ilabas ng media ang kopya ng nasabing resolusyon.
Tumanggi si Aguirre na aminin kung nalusutan siya ng NPS o sadyang inilihim niya ang pagkabasura sa kaso nina Espinosa at Lim.
“Actually hindi mo naman masasabing nalusutan e, hindi pa nga dumarating sa akin e,” aniya.
Ang kasalukuyang estado aniya ng kaso ni Espinosa ay ipinasusumite niya sa magkabilang panig ang lahat ng ebidensiya at ipinawalang bisa na niya ang motion for reconsideration na inihain ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Giit ni Aguirre, ilalagay sa lookout bulletin ng Bureau of Immigration ang sinomang drug personality na mababasura ang kaso ng NPS upang maiwasan na makalabas ng bansa sakaling matapos ang automatic review at baliktarin niya ang desisyon ng mga prosecutor.
(ROSE NOVENARIO)