BIGONG maparalisa sa inilunsad na transport strike ng grupong Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) ang transportasyon sa Metro Manila kahapon.
Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Spokesperson Celine Pialago, ito ay dahil sa ipinalabas na mga alternatibong sasakyan ng pamahalaan, katuwang ang mga pribadong bus companies, libreng sakay ng nasyonal at lokal na pamahalaan sa iba’t ibang lungsod sa Metro Manila.
Dakong umaga kahapon naunang nagkaroon ng bahagyang kakulangan sa mga pampasaherong jeep ngunit unti-unting naging normal nang sumapit ang tanghali.
Sa datos buhat sa MMDA, dalawang bus na may bayad at dalawang military truck ang pumasada sa rutang Buendia-Taft Avenue; dalawang bus ng MMDA sa rutang BCDA C5-Guadalupe; dalawang bus at tatlong truck sa Malabon at Navotas, at tatlong truck sa Commonwealth Avenue.
Kahit unti-unting lumiliit ang bilang ng sumasama sa kanilang protesta, iginiit ni PISTON president George San Mateo, na hindi bilang ang kanilang hinahabol sa pagpapatuloy ng protesta para mapansin ng pamahalaan at magkaroon ng maraming pagdinig sa Kongreso bago ipatupad ang phase-out sa jeepney.
Dagdag niya, pinangakuan umano sila ni Pangulong Rodrigo Duterte na magsasagawa ng dialogo sa kanila ngunit hanggang ngayon ay hindi pa natutupad.
(JAJA GARCIA)