NABIKTIMA ng ‘pekeng’ Pangulong Rodrigo Duterte ang Presidential Communications Operations Office (PCOO).
Ipinadala ng News and Information Bureau (NIB), isa sa mga kawanihan sa ilalim ng PCOO, dakong 11:14 ng umaga ang transcript ng umano’y phone patch interview kay “Pangulong Duterte”sa programa ni Deo Macalma sa DZRH habang kausap si Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go na panauhin sa studio ng himpilan.
Lingid sa kaalaman ng NIB, si Jun Alegre o mas kilala bilang President Lodi, DZRH correspondent at impersonator ni Pangulong Duterte, ang kausap ni Go sa programa.
Pinatulan ng abs-cbnnews.com at gmanews.tv ang transcript ng NIB kaya’t may lumabas na mga balita sa online news sites hinggil sa sinabi ni President na itinaas na niya ang kamay ni Go bilang endoso sa pagsabak ng kanyang alalay sa 2019 senatorial race.
Nang naimpormahan ang dalawang online news sites na si President Lodi ang kausap sa radio program ay agad tinanggal ang mga inilathalang balita hinggil sa panayam.
Ngunit ang NIB, mahigit dalawang oras o dakong 1:23 ng hapon pa naglabas ng “erratum” sa koryenteng transcript ni President Duterte.
Nabatid sa source sa NIB , si Communications Secretary Martin Andanar ang nagpagawa ng transcript ng radio interview ni “President Duterte” dahil posibleng hindi rin niya batid na si President Lodi ang kausap ni Go.
Sa nasabing radio interview, binigyan diin ni Go na tutok siya sa trabaho bilang SAP at ayaw muna niyang pag-usapan ang politika.
Isang may cyst sa mata ang agad na nabigyan ng tulong ni Go upang makapagpaopera sa Philippine General Hospital (PGH).
(ROSE NOVENARIO)