PABABAYAAN ng Palasyo ang Department of Justice (DOJ) na pag-aralan ang mga affidavit ni Janet Lim-Napoles bago maghayag ng kanyang paninindigan si Pangulong Rodrigo Duterte.
“Hinahayaan muna po ng Presidente na DOJ ang mag-determine kung makapapasok sa witness protection si Janette Lim Napoles dahil iyan naman po ang nakasaad sa batas,” ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque.
Inamin kamakailan ng DOJ na isinailalim sa provisional witness protection program si Napoles.
Noong May 2014 ay tinukoy ni Napoles sa kanyang affidavit na si dating Budget Secretary Butch Abad ang nagturo sa kanya na magtayo ng foundations para pagkakitaan nang siya ay congressman ng Batanes noong 2000.
“Abad was lent by JLN [Janet Lim-Napoles] money which was returned with interest. When JLN asked how the money earned, she was introduced to foundations. JLN got curious and eventually JLN was taught how to form foundations,” ani Napoles sa dokumento.
Matatandaan, si Napoles ay inihatid sa Camp Crame ni noo’y Pangulong Benigno Aquino III at kanyang mga opisyal na sina Mar Roxas, Rene Almendras, Ricky Carandang, at noo’y Philippine National Police (PNP) chief Alan Purisima, makaraan sumuko sa Palasyo noong 28 Agosto 2013.
Si noo’y Presidential Spokesman Edwin Lacierda ang kinontak ni Atty. Lorna Kapunan para sa pag-surrender ni Napoles sa Heritage Park.
Umani nang batikos ang video na nagpakita na tinawag ni Roxas ng “Ma’am Janet” si Napoles.
(ROSE NOVENARIO)