INAASAHANG mawawala mula anim hanggang walong buwan ang beteranong sentro ng Magnolia na si Marc Pingis matapos makompirma kamakalawa ng gabi na napinsala siya ng kulunos-lunos na punit sa anterior cruciate ligament (ACL) sa kanyang kaliwang tuhod.
Mismong si Hotshots Governor Rene Pardo ang nagkompirma ng balita matapos lumabas ang resulta ng magnetic resonance imaging (MRI) mula sa kilalang espesyalista na si Dr. Raul Canlas kamakalawa ng umaga.
“Yes. It’s ACL, so out from 6-8months si Ping. Dr. Canlas confirmed it this morning,” ani Pardo sa isang maikling panayam bago ang Game Two ng kanilang PBA Philippine Cup best-of-seven semis.
Magugunitang sa Game One noong Sabado ay biglaang bumagsak sa kanyang sarili si Pingris na animo’y nabanat ang kanyang kaliwang tuhod. Hindi ito nakabangon at namilipit sa sakit kaya’t kinailangang bitbitin palabas gamit ang stretcher.
Kaagad din siyang dinala sa St. Luke’s Medical Center pagkatapos ng laro na ikinatalo ng Hotshots, 87-88.
Bago ang injury, nagrerehistro ng 6.2 puntos at 9.6 rebounds si Pingris na kabababalik lang din halos ngayong komperensiya matapos ang hip injury na noong nakaraang taon na kailangan niya pang ipagamot sa Amerika.
Ngayon, pinapagaling muna ang pamamaga ng kanyang tuhod bago sumailalim sa operasyon. Inaasahang makaliliban si Pingris gayondin sa natitirang komperensiya ng taon na Commissioner’s at Governors’ Cup.
Higit sa kanyang mga numero, inaasahang mas mararamdaman ng Hotshots ang impluwensiya ni Pingris na kanilang kapitan at tumatayong lider sa loob at labas ng court.
Kaya bilang pagpupugay sa kanilang napilayang kakampi ay naglagay ng #15 tape ang bawat manlalaro ng Magnolia sa kanilang jersey sa Game Two.
Mistulang mahika naman at gumana ito dahil lalong naging inspirado ang Hotshots na makatabla sa serye kahit wala ang kanilang batikang sentro na si Pingris nang tambakan nila ang NLEX, 99-84 para sa 1-1 kartada sa kanilang umaatikabong best-of-seven na serye.
Sisiklab ang Game Three ngayong 7:00 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
ni John Bryan Ulanday