NABAHALA ang Palasyo sa pagbasura ng Department of Justice (DOJ) sa kasong drug trafficking laban kina self-confessed druglord Kerwin Espinosa at negosyanteng si Peter Lim.
“Bibigyan ko po ng kompirmasyon na nababahala kami sa pagbabasura ng reklamo,” ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque hinggil sa kaso nina Espinosa at Lim, sa pulong balitaan kahapon sa Palasyo.
Aminado si Roque, nabulaga ang Malacañang sa ulat sa media kahapon hinggil sa pag-absuwelto kina Espinosa at Lim, parehong nasa narco-list ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“Nalaman lang namin ito ngayong umaga. Magkakasama po kami hanggang alas-dose ng gabi – midnight as of last night – kasama po namin si Secretary Aguirre, si SolGen Calida, si Executive Secretary at si Secretary Bong Go at wala pa po kaming ganitong balita as of 12 midnight last night,” ani Roque.
Batay sa report, noong 20 Disyembre 2017 inaprobahan ni acting Prosecutor General Jorge Catalan, Jr., ang pagbasura sa mga kaso laban kina Espinosa at Lim dahil sa kakulangan ng ebidensiya.
Giit ni Roque, hindi pa lusot sa kaso ang dalawang “druglords” dahil rerepasohin o isasailalim sa “automatic review” ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre III ang desisyon ng public prosecutors.
“Uulitin ko po, hindi pa po tapos ang ‘boxing’ laban kay Peter Lim at dito kay Kerwin Espinosa. Rerepasohin pa po ‘yan ng Kalihim ng Department of Justice,” sabi ni Roque.
Batay sa Department Circular Number 12 na inilabas noong 2 Mayo 2012 ni noo’y Justice Secretary Leila de Lima, palalayain ang drug suspects habang isinasailalim sa automatic review ng tanggapan ng kalihim ng DOJ ang kaso.
(ROSE NOVENARIO)