HINDI aalis sa pugad ng mga agila ang Ateneo High School standout na si Jason Credo.
Ito ay matapos ang anunsiyo ng Blue Eaglet star na si Credo na itutuloy niya ang paglalaro ng college basketball sa seniors basketball team na Ateneo Blue Eagles.
Malaking bahagi ang 18-anyos manlalaro sa kampeonato ng Ateneo Blue Eaglets sa katatapos na juniors basketball division ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 80.
Nagrehistro si Credo ng solidong 9.6 puntos, 9.1 rebounds at 1.9 assists para sa Blue Eaglets na nakompleto ang isa sa pinakapambihirang kampanya sa UAAP juniors basketball tangan ang 16-1 na kabuuang kartada.
“Now after winning a UAAP juniors championship and graduating from the Ateneo senior high school, I will continue both my studies and basketball in my dream school — Ateneo De Manila University,” ani Credo.
Magugunitang noong 2015 ay bahagi rin ang 6’5 na si Credo ng Batang Gilas na nagtapos sa ikalimang puwesto sa FIBA Asia Under-16 championship.
Sasamahan ni Credo ang isa pang kakampi sa juniors na si SJ Belangel na magpapatuloy din ng kolehiyo sa Ateneo habang ang kanilang sentro at siyang itinanghal na Finals Most Valuable Player ang maiiwang babandera sa pagdepensa ng Blue Eaglets sa juniors championship sa Season 81.
Samantala, ang isa pa nilang kasangga na si Dave Ildefonso ay hindi tumuloy na maging ganap na Blue Eagle bagkus ay itutuloy ang kanyang kolehiyo sa National University upang samahan ang kanyang ama na si Danny na kasalukuyang assistant coach doon at kuya na si Shaun na lumipat din mula sa Ateneo noong nakaraang taon.
(JBU)