MAHIGIT isang taon matapos pirmahan at ipatupad noong 2017 ni Pangulong Duterte ang kanyang Executive Order No. 13, ang all-out war nito laban sa illegal gambling, nilalaro lamang ito ng Philippine National Police (PNP) at ang sangay nitong Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) dahil ang jueteng at iba pang anyo nito gaya ng “peryahan ng bayan,” pares, swertres, masiao, at iba pa ay gatasan pa rin ng mga tiwaling opisyal ng pulisya sampu ng mga kasabwat nilang politiko.
Uli, sa Oktubre ay hainan na ng Certificate of Candidacy (COC) sa Commission on Elections (COMELEC) para sa midterm election sa 2019. Ang jueteng ang isa sa pinagmumulan ng campaign fund ng mga politiko na gustong mahalal sa puwesto. Ilan sa mga nagiging politiko o wannabe ay mula sa PNP.
Isang halimbawa ng pagbalewala ng PNP at CIDG sa kampanya ni Du30 ay muling pagsulpot ng peryahan ng Globaltech Mobile Online Corp. (Gobaltech) sa ilang bahagi ng Bicol gaya ng Albay sa gitna na ng matinding pagpapatigil ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO). Noong 2016, ibinasura ng PCSO ang Deed of Authority (DOD) ng Globaltech na maglaro ng peryahan sa ilang probinsiya dahil sa talamak nitong paglabag sa kasunduan gaya ng hindi sapat na pagreremit o kaya tahasang hindi pagre-remit ng dapat na i-remit na kita sa PCSO. Nauwi ang sigalot sa korte at noong 13 Oktubre 2017 ibinasura ng Regional Trial Court (RTC), Branch 161 ng Pasig City ang hirit na Writ of Injunction ng Globaltech. Ibinato ng korte ang isyu sa arbitration court pero hindi sinasabi ng korte na puwedeng ipagpatuloy ng Globaltech ang kanyang peryahan na umano’y nagsisilbing front lamang ng jueteng.
Ang propaganda umano ng Globaltech ay sila ang legal at ang Small Town Lottery (STL) ng PCSO ang ilegal. Ergo, binubulag ang taong bayan sa maling impormasyon dahil sa bawat draw ng mga peryahan ay milyones ang kinikitang salapi mula sa ilegal na pasugalang ito.
Ang peryahan ay umarangkada na sa mga bayan ng Pioduran,Libon, Oas, Polangi, Guinobatan, at Rapu-rapu. Napabalita pa na nag-alok umano ang mga gambling lord ng P10 milyon bilang “goodwill money” sa gobernador ng probinsiya at P300,000 naman daw kada alkalde para lamang payagan nila ang operasyon ng peryahan sa kani-kanilang bayan.
Pinadalhan na rin ng sulat noong 2 Marso 2018 ni PCSO General Manager Alexander Balutan si Senior Supt. Rizalito Gapas, regional chief ng CIDG-5, at naka-attention din kay Chief Insp. Luke Ventura, Albay-CIDG chief, na natanggap mismo ang kopya ng araw ding ‘yun ni Senior Police Officer 1 Michael Caluwag, para patigilin ang peryahan. Ito ang ilang talata ng sulat:
“Respectfully informing your office that Globaltech Mobile Online Corporation, (Globaltech for brevity) has been operating an illegal numbers game, thru its Peryahan ng Bayan’s “Lucky Tres/Swertres” activity in your area of responsibility.”
“In view thereof, PCSO is requesting for your office’s assistance in curbing out this illegal numbers game activity as stipulated in Section 1 of EO No. 13 IAnnex “E”).”
Bukod dito, nag-isyu din si Balutan ng sertipikasyon na may petsang 27 Pebrero 2018 na nagsasabing ilegal ang peryahan.
Pinaalalahan din ng PCSO ang PNP ng pananagutan ng sino mang opisyal at tauhan nito at sa lahat ng mga gumagawa ng ilegal na sugal na lalabag sa Republic Act 9287 (“An Act increasing the penalties for illegal numbers games, amending certain provisions of Presidentila Decree No. 1692, and for other purposes”).
Ang batas ay magkukulong sa sino mang lalabag mula 12 hanggang 20 taon at pagbababayarin ng danyos na P3 milyon hanggang P5 milyon at permanenteng diskuwalipikasyon na malagay sa puwesto, lalo ang mga nahalal sa eleksiyon, sa gob-yerno.
Panghuli, dapat bigyan ng kopya ng Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng PNP at PCSO ni PNP chief General Ronald dela Rosa ang lahat ng police commanders at lagi niya silang paalalahanan na ang MOA ay nagbibigay ng kapangyarihan sa bawat commander ng police force sa bansa na sawatain ang ano mang ilegal ns sugal sa kanilang nasasakupan.
Siyanga pala, noong 2017 ang kabuuang share ng PNP mula sa kita ng STL ay P393,685,541.77. Kasama sa nabibiyayaan ang PNP National Headquarters (P62.9M); PNP Regional Offices (P62.9M); PNP Provincial Offices (P78.7M); PNP Municipal/City (P110.2M); CIDG National Headquarters (P31.4M); CIDG Regional Offices (P31.4M); at CIDG Provincial Offices (P15.7M).
BAGO ‘TO!
ni Florante S. Solmerin