IPAKAKAIN sa mga buwaya ang sinomang United Nations special rapporteur na mag-iimbestiga sa isinusulong na drug war ng administrasyong Duterte.
Ito ang babala ni Pangulong Rodrigo Duterte makaraan batikusin ni UN High Commissioner for Human Rights Zeid Ra’ad Al Hussein ang kanyang direktiba sa Philippine National Police (PNP) na huwag makipagtulungan sa pagsisiyasat ng UN human rights.
Binigyan diin ng Pangulo, legal at nakasaad sa Saligang Batas ang kanyang direktiba sa PNP.
“Nagalit sila kasi ang advise is, ‘Do not answer questions from them.’ And that is for a reason, legal. That is provided for in the Constitution itself. Our Constitution. Kaya sinabi ko, ‘Iiwan mo na lang sa akin.’ E magpuntahan dito ‘yung mga g***. May mga buwaya ba rito? ‘Yung kumakain talaga ng tao. Doon mo itapon ang mga p*****… b***** ‘to,” anang Pangulo sa kanyang talumpati sa harap ng mga sundalo sa Zamboanga City, kamakalawa.
Paliwanag ng Punong Ehekutibo, kaya niya inatasan ang mga pulis na manahimik dahil maaaring magamit laban sa kanila ang anomang sasabihin sa imbestigador o hanapan ng butas ang kanilang testimonya na posibleng magpahamak sa kanila.
“Alam mo, sabi nila they are investigating us. Por Dios, kayong mga ugok, if you are investigating us, the rule sa criminal law is any statement or answer that you may give might incriminate you. E ‘pag nabitawan mo ‘yang magtanong-tanong sila, free willing ka mag-ano, e recorded, e ikaw mismo, ‘pag tinawag ka na doon, you are bound by your anong pinagda-daldal mo,” aniya.
(ROSE NOVENARIO)