IKINAGALAK at umaasa si Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte, matutuldukan na ang tensiyon sa Korean Peninsula at pangambang sumiklab ang digmaang nukleyar, bunsod ng nakatakdang pag-uusap nina US President Donal Trump at North Korean President Kim Jong-un.
“We welcome this dialogue between the Head of North Korea and President Trump. Si Presidente Duterte po noong ASEAN, noong APEC… paulit-ulit po niyang sinasabi na wala pong interes na magkaroon ng giyera dito sa ating rehiyon,” sabi ni Presidential Spokesman Harry Roque sa Iloilo City, kamakalawa.
“Ang giyera po ay magiging dahilan para tumigil na naman ang nararamdaman nating pag-unlad dito sa ating bayan. Kaya ang inaasahan po niya, ang mga hindi pinagkakasunduan ng Amerika at ng North Korea, mapag-uusapan,” dagdag niya.
“At ngayong mag-uusap po sila, ito po’y dahilan para magalak naman ang Presidente, at nagbibigay ng pag-asa na ang kontrobersiya ng Korean Peninsula ay mabibigyan ng mapayapang solusyon,” sabi ni Roque.
Batay sa pahayag ng White House, pumayag si Trump na makipagpulong kay Kim sa Mayo 2018 ngunit mananatili ang sanctions laban sa North Korea hanggang walang kasunduan nilagdaan si Kim sa South Korea hinggil sa denuclearization.
(ROSE NOVENARIO)