MALABO nang matulungan ni Marc Pingris ang koponan na Magnolia sa natitirang bahagi ng 2018 Philippine Basketball Association (PBA) Philippine Cup best-of-seven semi-finals series.
Nadale ng knee injury si Pingris kamakalawa sa Game One kontra sa NLEX kung kailan yumukod ang Hotshots, 87-88.
Sa huling 4:39 ng laro, ang Magnolia, 76-73, biglang bumagsak sa kanyang sarili si Pingris at kaagad na hinawakan ang kanyang kaliwang tuhod.
Halos maghumiyaw ang 36-anyos na si Pingris sa sakit nana kanyang naramdaman na siyang naging dahilan ng pagkatahimik ng Smart Araneta Coliseum.
Hindi na nakabangon pa ang tubong Pozzorubio, Pangasinan hanggang kinailangan na nga siyang isakay sa stretcher palabas ng court. Kaagad din siyang dinala sa ospital pagkatapos ng laro.
Sumailalim na si Pingris kamakalawa ng gabi sa magnetic resonance imaging (MRI) upang malaman ang tunay na injury.
Ngunit anoman ang maging resulta ay posibleng hindi na makalaro simula sa Game Two si Pingris dahil ito rin ang parehong injury na nakadale sa kaniya noong nakaraan.
Noong nakaraang taon ay nadale rin ng hip injury ang beteranong manlalaro ng Magnolia, dahilan ng kanyang hindi paglalaro sa Commissioner’s Cup at Governors’ Cup.
Bukod kay Pingris, may minor injuries din sina Justin Melton at Mark Barroca na dumagdag sa problema ng Hotshots.
Sa kabila nito, tatangkaing maging matatag ng Magnolia sa pangunguna nina Paul Lee, Ian Sangalang at PJ Simon upang maitabla ang serye sa 1-1.
Magpapatuloy ang umaatikabong Game Two ngayon sa Mall of Asia Arena, na tatangkain ng NLEX ang 2-0 abanse sa serye. (JBU)