IKINAGALAK ng Palasyo ang desisyon ng House Justice Committee na may probable cause ang impeachment complaint laban kay Chief Justice Ma. Lourdes Sereno.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, ang pasya ng House Justice Committee ay patunay na gumagana ang impeachment process na nakasaad sa Konstitusyon sa layuning panagutin ang Punong Mahistrado.
“Patunay na naman po ito na gumagana iyong ating mga proseso na nakasaad sa ating Saligang Batas. Lalo na iyong proseso ng impeachment na proseso para mapanagot iyong pinakamataas na mga opisyales ng ating bayan. So nagagalak po kami na nakita natin na gumagana muli ang ating institusyon,” ani Roque sa press briefing sa Palasyo kahapon.
Sa botong 38–2 ay pinaboran ng House Justice Committee ang kasong impeachment laban kay Sereno bunsod ng pagkabigo niyang isiwalat ang kanyang tunay na yaman at iba pang paglabag sa batas.
Idudulog ang committee report sa House plenary para pagbotohan at kailangang makalikom ng 1/3 vote ang impeachment complaint bago dalhin sa Senado upang isagawa ang paglilitis.
“Nakita natin kay Bautista kung ano ang decision ng komite, puwede pa mabaliktad sa plenary. Hintayin muna natin ang boto sa plenaryo dahil ‘yun ang magiging susi para umusad ang impeachment complaint at maging impeachment case sa Senado sitting as impeachment court,” ani Roque.
Kamakalawa ay dumistansiya si Duterte sa impeachment complaint laban kay Sereno at bahala na aniya ang Kongresong humusga sa usapin.
(ROSE NOVENARIO)