HAWAK ng Palasyo ang isang whistleblower sa maanomalyang pagpili ng nakaraang administrasyon ng maintenance provider na sanhi ng madalas na aberya sa MRT-3.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, alam ng hawak nilang whistleblower kung paano ang hatian ng mga opisyal sa pondo para sa maintenance provider ng MRT-3.
Sinabi ni Roque, may nabunyag na Pangasinan Group sa isyu ng MRT-3, aniya 33 porsiyento mula sa ibinayad ng pamahalaan para sa kontrata sa maintenance ay ibinubulsa ng nasabing pangkat.
Ang isa pa aniyang 33 porsiyento ay napupunta naman sa tinatawag nilang political machinery kaya higit 30 porsiyento lang ng budget ng maintenance ang napupunta mismo para sa maintenance ng MRT-3.
“Ngayon lang may hawak tayong whistleblower kung paano ang hatian. Meron pala kasing tinatawag Pangasinan Group diyan. Tapos maniwala kayo at hindi ang sabi ng whistleblower ay 1/3 daw no’ng total na ibinabayad natin para sa kontratang ito ay napupunta lang sa Pangasinan group ‘no. Tapos 1/3 daw… diumano ay binabayad din sa political machinery at 1/3 lang talaga iyong napupunta para sa pag-maintain ng MRT 3. Talaga namang kapag 1/3 lang sa binabayad ang ginugugol para sa MRT-3, talagang masisira iyan at makalintik-lintik gaya ng nangyayari ngayon,” aniya.
“Naglalabasan aniya ngayon ang mga whistleblower sa MRT-3 at kinokompleto na lang ang mga documentary evidence na magpapatunay kung paano pinagpiyestahan ang budget para sa MRT-3 na naging sanhi ng prehuwisyo sa mga pasahero,” dagdag ni Roque.
Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Solicitor General Jose Calida na panagutin ang mga opisyal ng administrasyong Aquino, na sina dating DOTC secretary Mar Roxas at Joseph Emilio Abaya, at Budget Secretary Butch Abad, sanhi ng pasakit na dinaranas ng mga pasahero ng MRT-3 dahil ipinagkaloob nila ang maintenance contract sa Korean contractor, Busan Universal Rail, Inc. (BURI) na kapos sa kakayahan isakatuparan ang trabaho.
(ROSE NOVENARIO)