“DEPENDE ho kay Pangulo lahat.”
Ito ang matipid na sagot ni Special Assistant to the President (SAP) Christopher ‘Bong” Go sa pangungulit ng media kahapon sa posibilidad na pagsabak niya sa 2019 senatorial derby.
Sa chance interview sa Go Negosyo event sa World Trade Center sa Pasay City, sinabi ni Go, masyado pang maaga para pag-usapan ang halalan.
Giit ni Go, nakatuon ang kanyang atensiyon sa pagtupad sa mga pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte lalo ang mga programa na mag-aangat sa antas ng kabuhayan ng mga maralitang mamamayan.
Inamin ni Go, ikinalugod niya ang suporta ng ilang mga miyembro ng gabinete, partikular si Agriculture Secretary Manny Piñol na nagsusulong na kumandidato siya sa pagka-senador sa 2019 midterm elections.
Sa press briefing sa Palasyo kahapon ng uma-ga, inihayag ni Presidential Spokesman Harry Roque, tiniyak sa kanya ni Go na hindi siya sasali sa 2019 senatorial polls.
“Well, Bong Go also assured me yesterday, “Huwag kang mag-alala, wala talaga akong plano.
Ikaw lang,” sabi niya. Sabi ko, hindi nga ako sigurado e. So walang mga sigurado,” ani Roque.
(ROSE NOVENARIO)