TINANGGAP ng Palasyo ang ayudang 3.8 milyong euros ng European Union (EU) para sa rehabilitasyon ng drug personalities.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, nagpasya ang Pangulo na tanggapin ang tulong dahil wala itong katapat na kondisyon.
Ang 3.8 milyon euros galing sa EU ay nakalaan para sa rehabilitasyon ng drug personalities sa bansa.
Layunin nitong matulungan ang mga taong lulong sa ipinagbabawal na gamot na makabalik sa normal na pamumuhay.
Sinabi ni Roque, malinaw na patunay ito na pinapaboran ng EU ang paraan ni Pangulong Duterte sa pagtugon sa problema sa ilegal na droga sa bansa, at pagtanggap na ito ay isang public health issue.
Ibibigay ang donasyon sa Department of Health (DOH) upang ito ang mag-facilitate sa mga programang may kinalaman sa kalusugan.
Sa ngayon, sinabi ni Roque, hindi nababago ang paninindigan ng Pangulo na huwag tumanggap ng anomang tulong mula sa alinmang dayuhang grupo kapag may kondisyon.
Hindi aniya gusto ng Pangulo na pinakikialaman ng mga banyagang grupo ang panloob na usapin ng bansa.
(ROSE NOVENARIO)