INABOT ng apat na taon bago maipalalabas ang pelikulang El Peste tampok ang premyadong aktor na si Mon Confiado. Ngunit base sa teaser ng pelikula, sulit naman ang paghihintay. Plus, may bonus pa sila dahil bahagi ng 4th Sinag Maynila Film Festival ang naturang pelikula.
Sa pelikulang ito na pinamahalaan ni Direk Richard V. Somes, kakasangkapin ni Mon ang mga daga para mapalapit sa isang babaeng mayroon siyang pagtingin.
Ayon kay Mon, “Medyo matagal nang natapos ang EL PESTE. Pero ito kasi ay talagang hinahanapan ng timing at hindi minadaling maipalabas. Natapos namin ang shooting ng pelikula around four yrs ago pero ang post production ay hindi minadali. From editing, to dubbing, to music and sound design, kailan lang ito natapos. Unti-unting ginagawa kumbaga and finally, nakahanap na siya ng tamang venue, ang Sinag Maynila Film Festival.”
Wika niya, “Masaya ako at finally nakahanap na ng tamang tahanan ang pelikula naming El Peste. Natutuwa rin ako at ito ay Sinag Maynila Film Festival. Pangalawa ko na ito sa Sinag Maynila, ang una ay sa Swap mula sa unang batch na nagdala sa akin sa Fuzhou, China para sa Silk Road International Film Festival at ito ay napakagandang experience. Masaya rin ako dahil bukod sa nabigyan ng pagkakataon ang El Peste para mapanood ng mga Filipino sa ating bansa, ito ay nagbibigay ng inspirasyon at pag-asa sa ating mga Filipino filmmakers na gumawa ng magagandang pelikula at sumali sa Sinag Maynila upang ang kanilang mga pelikula ay maipalabas din, hindi lamang sa Filipinas kundi sa buong mundo.”
Ano ang istorya nitong El Peste? “Ang El Peste (The Pest) ay kuwento ni Abner (Mon). Isang struggling na probinsiyano na iniwan ng asawa, tumira sa Maynila at nagtatrabaho sa isang pest control. Tatalakayin dito ang kanyang mala-pesteng pamumuhay, hanggang isang araw ay na-meet niya si Viola (Jean Judith Javier) na pinepeste (sinasaktan, minamaltrato, binabalewala) ng kanyang asawa (Alvin Anson), dahil sila ay nagpa-pest control dahil sa rami ng daga sa kanilang bahay.
“Naging interesado si Abner kay Viola at gagamitin niya ang mga peste (daga) upang makapagpabalik-balik sa kanilang bahay. At ito ang magpapabago sa kanilang buhay, habambuhay,” esplika ng aktor.
Ang iba pang cast ng El Peste mula sa Strawdogs Studio Productions ay sina Jim Libiran, Leon Miguel, at Tikoy Aguiluz.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio