HINDI magiging madali para sa ikatlong telecommunications company na papasok sa bansa na makakuha ng congressional o legislative franchise, ayon sa grupo ng oposisyon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Ang congressional franchise na dapat ay may bisa hanggang 31 Disyembre 2023 ay isa sa pangunahing rekesito na nakapaloob sa draft guidelines na ipinalabas ng Department of Information and Communications Technology (DICT) para makapagpatayo at makapag-operate ng telecommunications facilities at services sa buong bansa.
Sinabi ni House Minority Leader at 3rd Dist. Quezon province Rep. Danilo Suarez, kikilatisin ng mga mambabatas ang kakayahan ng papasok na bagong telecommunications company na maglaan ng kinakailangang puhunan o kapital para tustusan ang magiging operasyon nito.
“It’s not that easy to come up with a third player. Alam mo kung wala kang ten billion dollars, malaki ang iro-roll out mo rito, marami kang cell sites na kailangang itayo at iba pang facilities,” sabi ng Quezon lawmaker.
Matigas sa kanyang paninindigan si Suarez na hindi dapat Chinese firm ang magiging third telco player ng bansa bilang bahagi na rin, aniya, ng pag-iingat sakaling magkaroon ng lamat ang relasyon ng Filipinas at China.
“Huwag lang Chinese, kasi kanila na ang koryente tapos sa kanila pa rin ang telco, masyado na nilang dominated ang ating public utilities. Heaven forbids, magkakaroon tayo ng problema sa China, hawak nila ang koryente, puwede nilang patayin ang koryente, hawak nila telco, ikaw ba mabubuhay ka nang walang cellphone? ‘Yung sa akin precautionary lang naman, marami namang ibang players.” pagbibigay-diin ng mambabatas.
Sinabi ni AKBAYAN party-list Rep. Tom Villarin na isasalang nila sa masusing pagbusisi anghindi pa natutukoy na third telco player kaya inaasahang dadaan ito sa butas ng karayom.
“Marami pa ring concerns, issues na kailangang i-address ng third player na papasok sa ating local telecommunications sector. So, hindi iyan overnight na sa tingin nila ay tapos na ‘yan, it’s not a done deal yet. Dadaan pa sa Congress ‘yan and we have to look into that. And of course, ang Philippine Competition Commission (PCC) will look into that and other regulatory agencies of government will also look into that,” anang party-list solon.
Kabilang sa nakikita ni Villarin na pangunahing dapat maresolba ng third telco player ang pagkakaroon nito ng kaukulang pahunan, kakayahang gumawa o magtayo ng kinakailangan nitong pasilidad, kapasidad sa aspetong teknikal at pagkakaroon ng local partner, partikular angpagtugon sa probisyon na 60/40 ownership ng kompanya na pabor sa Filipino partner at iba pa.
Dagdag ni Villarin, kapag dumating sa puntong isasalang sa Kongreso para sa aplikasyon ng legislative franchise ang bagong telco, pangunahin niyang hihimayin ang intensiyon ng kompanya, partikular kung mas isinasaalang-alang nito ang pagkakamal ng malaking kita kaysa interes ng consumers.
Ayon naman kay Buhay party-list Rep. Lito Atienza, senior deputy minority leader ng Kamara, sisiguradohin niyang may kaukulang safety nets at restrictions sa ibibigay na prangkisa sa third telco, partikular ang pagtitiyak na hindi ibebenta ang kompanya para lamang kumita at itigil nang walang sapat na dahilan ang kanilang operasyon.