MARAMING nagtatanong sa Bureau of Immigration (BI) kung kailan daw ba talaga ipatutupad ang pagbibigay ng overtime pay na manggagaling sa koleksiyon ng Express Lane Fund?
Hanggang ngayon kasi ay marami pang haka-haka kung talagang plantsado na ba ang lumabas na guidelines tungkol sa OT.
Halos lahat ay umaasa na sa lalong madaling panahon ay makatatanggap na ang mga empleyado ng nasabing biyaya.
Sandamakmak kasi sa kanila ay agad naglakas-loob na ipangutang ang tatanggapin para makapag-agdong sa gastos nitong nagdaang kapaskuhan.
Sa totoo lang, medyo nagkaroon pa nga ng panic mode ang ilang empleyado nang napabalitang muling hinarang ni DBM Secretary Ben ‘joke-no’ ‘este Diokno ang paglalagak ng Express Lane Fund (ELF) para sa aprobadong OT.
Isang “trust fund” mula sa ELF ang bubuuin upang ito ang pagkuhaan ng OT na ilalaan sa mga kawani ng ahensiya.
Ngunit dahil napabalita nga na muli itong pinalagan ni Joker ‘este Diokno kaya agad sumagsag papuntang Davao si BI-Deputy Commissioner Aimee Torrefranca-Neri upang humingi muli ng audience sa Presidente.
Well, sana naman ay hindi totoo ang naiulat na “move” ni Diokno, kundi ay mapupunta sa wala ang pinaghirapan nina SOJ Vitaliano Aguirre pati na ng kampo ni BI-Commissioner Jaime Morente!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap