SINAMPAHAN na ng kaso ng Ombudsman sa Sandiganbayan ang isang dating gobernador ng Sulu at kanyang anak dahil hindi naghain ng statements of assets, liabilities and net worth (SALN).
Base sa charge sheets na nilagdaan ni Assistant Special Prosecutor III Jorge Espinal, sinampahan ng kaso sa Sandiganbayan si dating Sulu governor Abdusakur Tan at anak na si Maimbung Mayor Samier Tan.
Sila ay magkahiwalay na sinampahan ng paglabag sa Section 8 ng Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees matapos mabigong makapag-file ng SALN mula 2007 hanggang 2011 para sa matandang Tan.
Habang ang nakababatang Tan na sinampahan ng dalawang bilang ng paglabag ay nabigong makapaghain ng SALN mula 2010 at 2011.
Para sa kanilang pansamantalang paglaya, ang prosecution ay nagrekomenda ng piyansang P50,000 para kay Sakurtan na may limang counts ng asunto at P20,000 para sa kanyang anak.
Ang kaso ng nakatatandang Tan ay napunta sa Sandiganbayan Sixth Division samantala sa Sandiganbayan Third Division ang kaso ng kanyang anak.
Pangunahing testigo ng prosekusyon ang witness-complainant na si Temogen Tulawie na karibal sa politika ng dating gobernador.
Sa ilalim ng batas, ang mga opisyal ng gobyerno na mabibigong makapaghain ng SALN ay papatawan ng hanggang limang taong pag-kabilanggo at multang P5,000 bawat counts ng asunto at hindi na maaaring humawak ng kahit anong posisyon sa gobyerno.
(JETHRO SINOCRUZ)