HUWAW!
Sa wakas dininig na rin ng korte ang hiling ng marami na magkaroon na ng eleksiyon sa Philippine Olympic Committee (POC) para sa mga posisyong presidente at chairman at gaganapin ‘yan sa 23 Pebrero 2018.
Ito ay matapos makatanggap ng sulat ang POC mula sa International Olympic Committee (IOC) bilang tugon sa matagal nang hinaing ng mga manlalarong Filipino.
Sabi nga ni Ricky Vargas, “I am happy that the POC finally decided to follow the rule of law and voice of reason. And the IOC should be commended for their straightforward appreciation of the situation. I now look forward to an orderly and fair election.”
Si Vargas ang tatapat kay equestrian head at nilumot ‘este matagal nang POC president na si Jose “Peping” Cojuangco.
Umaasa ang grupo nina Vargas na ito na ang pagkakataon para makapagsulong ng tunay na pagbabago sa kalagayan ng mga manlalaro at sa Philippine sports, sa kabuuan.
Ang cycling head na si Rep. Abraham Tolentino, na gaya ni Vargas ay na-disqualified sa pagtakbo noong 2016 elections sa POC Comelec, ay tatakbong chairman.
Bago ang 23 Pebrero dalawang pulong pa ang magaganap. Una, ang POC executive board sa 15 Pebrero para talakayin ang resolusyon hinggil sa IOC letter, at ang detalye ng elekisyon sa 23 Peb-rero at aaprobahan sa extraordinary General Assembly sa 19 Pebrero.
Marami ang umaasa na magkakaroon na ng malaking pagbabago sa POC pagkatapos ng eleksiyon.
Ilang dekada na nga bang nakaluklok diyan sa Mang Peping pero mukhang lalo lang nalugmok ang mga manlalarong Pinoy.
Matindi rin ang dibisyon sa larangan ng sports. Nagkahati-hati nang tuluyan dahil sa impluwensiya ng mga taong matindi ang interes na kopohin ang POC.
Ang 23 Pebrero ay krusyal sa mga manlalarong Filipino. Ito ang araw na kanilang pagpapasyahan kung gusto talaga nilang magkaroon ng pagbabago sa kalagayan ng mga atletang Filipino.
O hahayaan na lang nila itong umikot sa mga palad ni Mang Peping.
At gaya sa isang pangkaraniwang eleksiyon, iisa lang ang nagtatakda ng tagumpay — numero.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap