NAKAPASOK na sa Philippine area of responsibility (PAR) ang Tropical Storm Basyang (international name: Sanba) at maaaring bumagsak sa Caraga area ngayong Martes ng umaga, ayon sa state weather bureau kahapon.
Sinabi ni PAGASA Weather Division Chief Esperanza Cayanan, ang mga residente sa Davao Oriental, Caraga at Eastern Visayas ay makararanas ng “scattered to widespread, moderate to heavy rains.”
“Residents of these areas must take appropriate measures against possible flooding, landslides,” ayon sa opisyal.
Ayon kay Cayanan, si Basyang ay magdudulot ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog sa iba pang bahagi ng Visayas, Mindanao at Bicol Region.
Ang Luzon ay makararanas ng bahagyang pag-ulap na may kasamang mahinang pag-ulan, aniya.
Nauna rito, itinaas ng PAGASA ang Storm Warning Signal no. 2 sa Surigao del Sur.
Habang nakataas ang Signal No. 1 sa bahaging timog ng Samar; southern portion ng Eastern Samar; Leyte; Southern Leyte; Bohol; Cebu; Negros Oriental; Negros Occidental at Siquijor; Dinagat Islands; Surigao del Norte; Agusan del Norte; Agusan del Sur; Camiguin; Compostela Valley; Davao Oriental; Davao del Norte; Misamis Oriental; Misamis Occidental; Lanao del Norte; Lanao del Sur; Bukidnon; northern portion ng Zamboanga del Norte; at northern portion ng Zamboanga del Sur.