No foreign policy – no matter how ingenious – has any chance of success if it is born in the minds of a few and carried in the hearts of none. — Henry Kissinger
PASAKALYE:
Itinutulak ni Mayor Erap ang posibleng phase out ng mga pedicab at tricycle sa lungsod ng Maynila at ihahalili ang sinasabing ‘environmentally-friendly’ na e-trike.
Walang problema po ang proposal na iyan, dangan nga lang ay may downside din ang panukala. Paano kung baha? Makabibiyahe po ba ang mga e-trike sa malalim na tubig kapag bumagyo at barado ang mga kanal at tumaas ang baha sa mga kalsada ng lungsod?
Isa pa, hindi nga po ba mas nakatitipid ang mga driver ng e-trike dahil hindi gumagamit ng gasolina? E bakit po ang mahal ng singil sa mga pasahero—nasa P20 ang pinakamababang singil?
Nagtatanong lang po…
***
AYON kay Magdalo party-list representative Gary Alejano, narito na sa Filipinas ang Ke Xue San Hao research vessel ng China para magsagawa ng pananaliksik sa karagatang sakop ng ating bansa, partikular sa hilagang-silangan ng Palanan, Isabela.
Kasunod ito sa pagbibigay ng permiso sa China na magsagawa ng marine scientific research (MSR) sa eastern seaboard ng Pilipinas.
Ang isyu ngayon kaugnay nito ay pagmo-mo-nitor ng nasabing aktibidad — kung ito nga ba’y pananaliksik lang o sa katunayan ay pagkukubli sa tunay na pakay na sakupin ang bahaging ito ng teritoryo ng ating bansa?
Punto ni Alejano: “What we should make sure now is the compliance of China to all the requirements demanded by the Philippine government as conditions to the permit issued. In particular, we should be wary on the sharing of information that will be culled from the said expedition. Filipino scientists on board should be given equal access to all results of the research activity.”
***
REAKSIYON sa katuwiran ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano sa pagbigay ng permiso sa China na manaliksik sa ating karagatan: “There’s nothing suspicious about approval or disapproval of scientific research. Whether they are Americans, Japanese, Chinese Mongolians, Singaporeans, et cetera, if they comply, we will approve. If they do not comply, we will not approve.”
Sabi pa umano ng kalihim mas maraming beses na binigyan ng marine research permit ang Esados Unidos kaya hindi problema kung binigyan din ang China ng kahintulad na permiso.
Teka teka teka…
Nakalimutan yata ng magiting na miyembro ng Gabinete ni Pangulong DIGONG na iba ang situwasyon ng America sa Tsina. Pumasok man at mag-research ang mga Amerikano sa loob ng ating teritoryo ay walang problema dahil wala naman silang ‘claim’ kaya madaling maniwala na panaliksik ang tunay nilang pakay.
Pero sa kaso ng China, paanong masasabing pananaliksik lamang ang nais nila…
Tama po ba?
***
PARA sa inyong komento o suhestiyon, reklamo o kahilingan, magpadala ng mensahe o impormasyon sa email na [email protected] o dili kaya’y i-text sa cellphone numbers 09054292382 para sa Globe at 09391252568 para sa Smart. Salamat po!