PANAHON pa ng administrasyong Aquino, done deal na ang frigate project ng Philippine Navy, ayon sa Palasyo.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, nanlilinlang ang online news site Rappler nang ilathala na nakialam si Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go sa frigate project.
Tiniyak ni Go na magbibitiw siya kapag napatunayan ang akusasyon ng Rappler sa kanya.
“I will resign if it can be proven that I intervened. It should be emphasized that the frigate project was already a done deal in 2016 during the time of former Pres. Aquino,” ani Go.
Kinompirma ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang sinabi ng Pangulo na hindi nakialam si Go sa Navy frigate-acquisition project.
Ito ang inihayag sa official statement ng DND kaugnay ng isang dokumento na pumapabor sa isang supplier ng naturang proyekto, na umano’y ibinigay ni Go kay Lorenzana.
Habang inendoso ng kalihim ang dokumento kay dating Navy Flag Officer in Command Vice Admiral Ronald Joseph Mercado para aksiyonan, na umano’y may kasamang ‘note’ na nakalagay ang pangalan ni Go.
Ayon sa statement, inakala lang ni Lorenzana na kay Go nanggaling ang dokumento dahil sa Palasyo niya tinanggap ang dokumento.
Nakasaad dito na ang mga dokumento sa Malacañang para aksiyonan ng mga concerned government agencies ay responsibilidad ng Presidential Management Staff (PMS), na pinamumunuan ni Go.
Ang dokumentong tinutukoy ay mula sa Hanwa, isa sa mga supplier ng Combat Management System para sa dalawang barkong binili ng Philippine Navy sa Hyundai Heavy Industries ng South Korea.
Inilinaw ng Defense Department na walang anomang “guidance” o pahiwatig mula sa Palasyo o mula kay Go sa kanila na paboran ang naturang supplier.
Tiniyak ng DND na mayroon nang kontrata para sa Navy Frigate Aquisition Project, at ito ay estriktong ipatutupad alinsunod sa nilagdaang kasunduan.
(ROSE NOVENARIO)