WALANG pakialam si Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go sa anomang bidding para bumili ng mga kagamitan ang Department of National Defense (DND).
Reaksiyon ito ni Go sa ulat na isinulong umano niya ang pag-aproba sa isang Korean company para sa computer system para sa barko ng Philippine Navy, habang may ibang pinaborang kompanya ang dati nitong Flag Officer in Command na si Vice Admiral Ronald Joseph Mercado.
“I have not intervened in the procurement of DND of its computer system for its ships. I have not participated nor intervened, directly or indirectly, in the transactions of DND,” ani Go.
Wala aniya siyang anomang impormasyon kaugnay ng partikular na transaksiyon ng DND na ibinibintang sa kani-yang umano’y panghihimasok.
Ayon kay Go, mas mabuting maidulog sa DND ang usaping ito para maayos na matugunan ni Secretary Delfin Lorenzana.
“Further, I even have no information nor knowledge of the said transaction. Clarification on the issues should be addressed to SND Lorenzana,” dagdag niya.
Matatandaan, si Mercado ay sinibak sa puwesto ni Lorenzana noong Disyembre 2017 dahil sa umano’y pagkakasangkot sa iregularidad sa procurement ng DND para sa computer system na gagamitin sa mga barko ng Phil Navy.
Sa naunang paliwanag ni Lorenzana, iginiit niyang hindi naging makatuwiran ang pambibitin at pagharang ni Mercado sa naturang programa gayong matagal na panahon na itong nababalam kaya hindi makausad ang modernisasyon ng kanilang mga barko.
(ROSE NOVENARIO)