WALANG kinalaman ang isyu ng press freedom sa pasya ng Securities and Exchange Commission (SEC) na kanselahin ang certificate of registration ng online news site Rappler.
Binigyan-diin ni Presidential Spokesman Harry Roque, ang punto ng SEC decision ay paglabag ng Rappler sa probisyon ng Saligang Batas na dapat ay 100% Filipino ang may-ari at namamahala ng kompanya ng mass media sa bansa.
“The issue at hand is the compliance of 100% Filipino ownership and management of mass media. It is not about infringement on the freedom of the press,” ayon kay Roque.
Wala aniyang puwedeng lumabag sa batas at kailangan sumunod ang lahat, maging ang Rappler.
“No one is above the law. Rappler has to comply,” sabi ni Roque.
Kaugnay nito, may mga ulat na lumabas na ang Omidyar Network at North Base Media, pawang foreign owners ng Rappler, ay may kaugnayan sa Open Society Foundation na pagmamay-ari ni Hungarian-American billionaire George Soros.
Ilang beses tinuligsa ni Pangulong Rodrigo Duterte si Soros bilang nagpopondo sa mga destabilisasyon laban sa kanyang administrasyon.
May report na si Soros din ang nagtustos sa destabilisasyon laban sa pro-Russian Ukraine kaya idineklara ni Russian President Vladimir Putin na ban sa kanilang bansa.
(ROSE NOVENARIO)