NAGBITIW sa puwesto si Commission on Higher Education Chairperson Patricia Licuanan nitong Lunes, sinabing panahon na para umalis makaraan makatanggap ng tawag mula sa Malacañang.
Sinabi ni Licuanan, tinawagan siya ni Executive Secretary Salvador Medialdea nitong weekend at inutusan siyang bumaba sa puwesto bago matapos ang kanyang termino sa Hulyo 2018.
“I have decided it is time to go. It has become obvious there are persons determined to get me out of CHEd by hurling false and baseless accusations against me in what appears to be a fishing expedition and a well orchestrated move in media,” aniya.
Itinanggi ni Licuanan ang alegasyong madalas niyang pagbiyahe sa ibang bansa. Aniya, mayroon siyang walong official travels nitong nakaraang taon, lima rito ay ginastusan ng gobyerno.
Aniya, siya ay may limang official travels noong 2016, anim noong 2015, dalawa noong 2014 at tatlo noong 2013.
Kinuwestiyon nitong nakaraang linggo ni Puwersa ng Bayaning Atleta Party-list Rep. Jericho Nograles kung ginamit ni Licuanan ang kapangyarihan ng Pangulo sa pag-apruba ng kanyang sariling pagbiyahe.
Sinabi ni Licuanan, bagama’t nilagdaan niya ang kanyang sariling travel documents, ang mga ito ay “always based on an oficial travel authority from Malacañang.”
Idinagdag niyang bumiyahe siya sa business class “to avoid the recurrence of vertigo.”
RESIGNATION
TINANGGAP
NG PALASYO
TINANGGAP ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbibitiw ni Patricia Licuanan bilang chairperson ng Commission on Higher Education (CHEd).
“The President has received the resignation of CHEd chairperson Licuanan and it will be accepted by the President,” sabi ni Presidential Spokesman Harry Roque sa press briefing sa Malacañang kahapon.
Nauna rito, inihayag ni Licuanan, tinawagan siya ni Executive Secretary Salvador Medialdea at hiniling na mag-resign siya.
Inakusahan ni Puwersa ng Bayaning Atleta Party-list Representative Jericho Nograles si Licuanan kamakailan na isang “junketeer” at pinaiimbestigahan sa Kongreso ang mga umano’y alingasngas sa CHEd.
(ROSE NOVENARIO)