KAILANGAN ng 48 minutong buo ang konsentrasyon at hindi mauubusan ng tiyaga at bala kapag kalaban ang San Miguel Beer.
Kapag nalingat ka kasi, malamang na matuklaw ka sa bandang dulo at madadapa ka.
Iyan ang nangyari sa TNT Katropa sa engkwentro nila ng Beermen noong Sabado sa University of San Agustin gym Sa Iloilo.
Sa mahigit na tatlong quarters ay nakontrol ng Tropang Texters ang laro at animo’y didiretso sila sa tagumpay. E malas pa naman ang Beermen sa out-of-town games dahil sa anim na sunod na beses na silang nasisilat sa mga provincial outings. Para bang sa Maynila lang sila magaling kahit na sila ang kampeon!
Sampung puntos agad ang inilamang ng TNT Katropa sa San Miguel Beer, 24-14 makalipas ang first quarter. Pero naibaba naman ito ng Beermen sa 56-55 sa halftime.
Muli ay nakausad ang TNT Katropa, 61-58 sa pagtatapos ng third quarter.
Pero mula roon ay naging dikdikan na ang duwelo. Angat lang ang Beermen ng dalawang puntos, 76-74 sa huling limang minuto nang magtulong sina Arwind Santos at Alex Cabagnot sa isang 14-2 wind-up upang mairehistro ng San Miguel ang ikatlong sunod na tagumpay at patuloy na mamayagpag sa Philippine Cup kung saan asam nila ang ikaapat na sunod na kampeonato.
Si Santos, isang dating Most Valuable Player, ay gumawa ng pito sa kanyang 15 puntos sa huling tatlong minuto. Kabilang dito ang isang jumper na tumapos sa rally ng TNT. Isang three-point shot at isang slam dunk na tuluyang humiya sa kalaban.
Si Cabagnot ay nagdagdag ng 11 puntos at 12 rebounds. Si June Mar Fajardo pa rin ang naging leading scorer ng Beermen nang magtapos siya ng may 20 puntos bukod sa walong rebounds. Si Marcio Lassiter ay nag-ambag ng 15 puntos.
Sa totoo ang, nakakatakot na talaga ang San Miguel Beer dahil ang galing na nito samantalang hindi pa naglalaro ang top pick na si Christian Standhardinger na sa Commissioner’s Cup pa magiging available.
Kung nakakalaro na si Standhardinger, puwede na sanang ibigay sa San Miguel ang korona, e.
Pero dahil hindi pa, may tsansa pa ang ibang teams na manilat.