HABANG hindi nakahahanap ng bagong Commissioner ang Philippine Basketball Association, nabanggit ni Blackwater owner Dioceldo Sy ang isang pangalang pamilyar at beterano sa liga.
Walang iba kundi ang officer-in-charge na si Willie Marcial na itinuturing ni Sy bilang pinaka-swak sa bakanteng posisyon sa PBA.
“He’s very capable and deserving,” ani Sy sa isang panayam kamakalawa, bago masilat ng kanyang Blackwater Elite ang Barangay Ginebra, 94-77.
Para kay Sy, hindi kailangan maghanap ng Board of Governors ng kilalang pangalan sa labas ng liga upang umupo sa bakanteng posisyon ng commissioner pagkat nasa loob ng liga ang tingin niya’y nararapat.
Mula 2003 ay nagsilbi ang 54-anyos na si Marcial bilang PBA Media Bureau Chief at mayroong karanasan na kailangan upang mapatakbo ang liga.
Dagdag ni Sy, kapag nagpalit ng commissioner ay alalayan din sa pagpapalakas ng liga kaya’t bakit pa lalayo kung nariyan naman si Marcial na alam na ang pasikot-sikot ng PBA dahil matagal nang nagsilbi bilang PBA external affairs and communications chief.
Sa simula ng taon, itinalaga ng PBA Board si Marcial bilang officer-in-chare matapos ngang magbitiw sa puwesto ang dating Commissioner na si Chito Narvasa.
Sakaling si Marcial na nga ang susunod na commissioner, hindi siya bago sa liga dahil nangyari na ito sa isang OIC noong 2007.
Nagsisilbi bilang OIC noong 2007, naitalagang Commissioner si Sonny Barrios nang hindi makapagdesisyon ang PBA Board sa pagitan ng mga kandidatong sina Lambert Ramos at Chito Salud.
Maraming lumutang na posibleng kandidato para sa susunod na Commissioner ngunit hanggang ngayon ay hindi pa nasisimulan ng PBA Board ang proseso na sa pagbuo ng search committe.
ni John Bryan Ulanday