NATUPOK ang isang commercial building na pagmamay-ari ni El Shaddai leader Bro. Mike Velarde sa Barangay San Dionisio, Parañaque City, nitong Sabado ng madaling-araw.
Ayon sa ulat, sumiklab ang sunog dakong 1:00 am at nagsimula umano sa isang grocery, ayon kay Supt. Robert Pasis ng Bureau of Fire Protection. Umabot mang mahigit apat na oras bago naapula ang sunog.
Tinatayang nasa P2 milyon ang halaga ng pinsala habang walang naitalang nasugatan sa insidente.
Sa pagtataya ni Velarde, nasa P40 milyon ang halaga ng gusali na may lawak na 40,000 square meters.
Aabot umano sa 100 ang tenants dito na nangungupahan at nagtatrabaho sa iba’t ibang establisyimento gaya ng grocery, electronics store, canteen, opisina, at events place.
Ayon kay Velarde, nalaman lamang niya na nasusunog ang gusali nang may tumawag sa kanyang asawa ukol sa insidente.
Inilinaw ni Velarde na isang kooperatiba ang nasunog na gusali, ngunit ito ay kanyang pag-aari.
Salaysay ng guwar-diyang si Rodante Dela Cruz, nakarinig siya ng mga putok at paggiba bago mag-ala-1:00 ng madaling araw.
Inakala niyang may magnanakaw kaya’t akma niyang kinuha ang kanyang baril, ngunit nang makita ang ibang mga guwardiyang nata-taranta, napagtanto ni-yang nasusunog na pala ang gusali.
Ayon kay Dela Cruz, walang naiwang ibang tao sa gusali dahil agad silang nakalabas.
Samantala, sinabi ni Pasis, nahirapan ang mga bombero sa pag-apula ng sunog dahil sa mga nahulog na debris, bakal at sa dami ng flammable materials sa gusali.
Dagdag niya, maaa-ring may pananagutan ang may-ari ng gusali dahil wala itong sprinkler system.
Samantala, nawalan ng tirahan ang 36 pamil-ya sa naganap na sunog sa isang residential area katabi ng isang eskuwelahan sa Parañaque City, kamakalawa ng gabi.
Base inisyal na im-bestigasyon ni FO1 Jenive Sadaya, ng Parañaque Fire Department, dakong 6:07 pm nang sumiklab ang sunog sa isang bahay sa Talise Street, Brgy. San Dionisio malapit sa Parañaque National High School.
Agad kumalat ang apoy at nadamay ang 12 bahay sa naturang lugar.
Umabot sa ikatlong alarma ang sunog bago naapula pasado 7:00 ng gabi.
Walang naiulat na nasaktan o namatay sa insidente.
Pansamantalang na-nanatili sa covered court ng barangay ang mga nasunugan.
(JAJA GARCIA)