MAAARI nang makasalamuha si Pangulong Rodrigo Duterte ng mga nakatira sa liblib na bahagi ng bansa sa pamamagitan ng Digital Terrestial Television Broadcasting System ng People’s Television (PTV).
Sinabi ni Communications Secretary Martin Andanar, sa inilunsad na digital PTV kamakailan ay libre at mas malinaw na mapapanood ng mga nakatira sa kanayunan ang mga programa ng pamahalaan gayondin ang babala at updates kapag may kalamidad.
“Puwede rin po iyong barangay mismo ay magpapadala ng video or puwede niyang kausapin ang opisyal(es) niya sa Manila o ang pangulo mismo,” ayon kay Andanar sa panayam sa radio kahapon.
Sa pakikipagtambalan sa Japanese government aniya ay ilulunsad din ang Early Warning Device System at Data Casting Now, mga teknolohiya na maaaring gamitin kapag Digital Broadcasting na.
“So like ABS-CBN, Digital Broadcasting na po ang PTV starting last week. Iyong mga covered areas po natin ay Manila and then soon Davao Cebu. Mayroon po tayo sa Bicol at dito po sa Guimaras at Quezon City. Iyon po iyong plano natin for this year, palakasin iyong DTTV, at the same time, mailunsad po ng PCOO ang government satellite network na magbibigay po ng satellite connection bawat barangay para puwede po silang makipag-usap sa ating Pangulo at puwede po silang padalhan ng mga ba-lita mula po naman sa gob-yerno,” ani Andanar.
“Magandang proyekto po ito, sapagka’t iyong government satellite network ay hindi lang po ito one-way, na tumatanggap ka lang ng signal at puwede kang manood ng government channel or kung anomang mga government public service announcements,” dagdag niya.
Ang modernisyasyon ng PTV ay inaasahang magkokonekta sa mahigit 70 lalawigan at mahigit 1,000 siyudad at munispalidad sa buong Filipinas.
(ROSE NOVENARIO)