HINDI prayoridad ng gobyerno ang umento sa sahod ng 600,000 pampublikong guro sa buong bansa, ayon kay Budget Secretary Benjamin Diokno.
Sa press conference kahapon, sinabi ni Diokno, mas tututukan ng pamahalaan ang mga proyektong pang-empraestruktura sa ilalim ng Build,Build, Build program, pagkakaloob ng proteksiyong panlipunan at pagkalinga sa mahihirap.
“I think that is not our priority at this time. Our priority is build, build, build and the social protection, the taking care of the poor,” aniya.
Giit ni Diokno, mangangailangan ng kalahating trilyong piso ang pagdoble sa sahod ng mga titser.
Kinompirma ni Diokno, inatasan siya ni Pangulong Duterte na pag-aralan ang suweldo ng public school teachers makaraan itaas ang basic pay ng mga sundalo at pulis.
“But not to double (the salary of teachers)… he (Duterte) said study. Now, after soldiers, we’ll look at the plight of the teachers. Unfortunately, that (entails) huge amount. We don’t want the budget that is simply salaries for everyone. I don’t think Filipino taxpayers would like that,” aniya.
Ang sahod aniya ng public school teacher ay doble ng suweldo ng guro sa pribadong paaralan.
“So in fact, there’s an exodus of private school teachers transferring to public schools,” sabi ni Diokno.
Giit ni Diokno, nakasaad sa Executive Order No. 201 na nilagdaan ni dating Pangulong Benigno Aquino III, makatatanggap pa ng dalawang beses na umento sa sahod ang mga kawani ng pamahalaan mula sa four tranches ng salary hike hanggang sa susunod na taon. Katumbas aniya ang umento sa 15-16 porsiyento.
Para kay Diokno, ang “best time” sa panibagong salary hike para sa mga guro ay sa 2020.
Kukuha aniya ang DBM ng “third party” mula sa private sector upang magsagawa ng comparative study ng klasipikasyon ng suweldo ng mahigit isang milyong kawani sa gobyerno .
(ROSE NOVENARIO)