PALALAKASIN ng Palasyo ang kanilang propaganda at hahasain ang kakayahan ng mga propagandista ng pamahalaan upang labanan ang ipinakakalat na pekeng balita laban sa administrasyong Duterte.
Sinabi ni Communications Secretary Martin Andanar, magkakaroon ng “strategic communication center” sa gusali ng Philippine Information Agency (PIA) sa Quezon City para gamitin training ground ng mga propagandista ng pamahalaan mula lokal hanggang pambansang antas.
“Magkakaroon po tayo ng isang government strategic communication center dito po sa Visayas Avenue sa PIA building na ang mga information officer ng gobyerno, mula LGU hanggang national ay magkakaroon ng isang center na puwede silang mag-training pagdating sa communications,” ani Andanar.
Maglulunsad ng National Information Convention sa 19-21 Pebrero 2018 sa SMX Davao na lalahukan ng mahigit 1,300 information officers sa buong bansa na inaasahang paghahanda sa propaganda war ng gobyerno laban sa mga kritiko.
“Never in history of government na ginawa po ito at pag-uusapan dito iyong mga bagong teknolohiya, TV, radyo, diyaryo, online, basic tips para sa ating mga communicator, paano humarap sa TV, paano sumagot sa radyo, paano magsulat sa diyaryo. Ito po iyong—mahalaga ito para sa ating mga communicators nationwide,” dagdag ni Andanar.
Inaasahang tatalakayin sa convention ang isyu ng fake news at paano ito ibubuko sa publiko.
“And of course meron din po iyong pag-uusapan iyong sa online, meron din pong fake news, iyong mga seminar para po maturuan natin ang ating mga kababayan, ang ating mga kasama sa gobyerno, how to decipher at ma-educate pa ang kanilang constituents about fake news,” aniya.
Patuloy na umaani ng kritisismo sa lokal at foreign media ang gobyernong Duterte partikular sa usapin ng extrajudicial killings kaugnay ng drug war.
(ROSE NOVENARIO)