IKINAGALAK ng Palasyo ang hirit ng Ombudsman sa Sandiganbayan na kanselahin ang inilagak na piyansa ni dating Palawan Gov. Joel Reyes at iutos ang pag-aresto sa kanya.
“That’s how it should be! I commend OMB for the order,” ayon sa text message ni Presidential Spokesman Harry Roque sa mga mamamahayag kahapon.
Sa pahayag ng Ombudsman, may pangangailangan para pigilin maulit ang pagtakas ni Reyes makaraan masangkot sa pagpatay kay journalist at environmentalist Gerry Ortega.
Nauna nang tiniyak ni Roque na gagawin ng pamahalaan ang lahat ng paraan upang baguhin ang desisyon ng Court of Appeals (CA) na nag-absuwelto kay Joel.
Matatandaan, tumakas ng bansa ang magkapatid na sina Joel at Mario Reyes noong Marso 2012, ilang buwan makaraan maglabas ng warrant of arrest ang hukuman laban sa kanila sa kasong pagpatay kay Ortega.
Nadakip sa Phuket, Thailand ang Reyes brothers noong Setyembre 2015.
Noong Agsoto 2017 ay nahatulan mabilanggo ng anim hanggang walong taon ang dating gobernador dahil sa kasong graft bunsod nang pagbibigay ng pabor sa isang mining firm.
ni ROSE NOVENARIO