ARESTADO ng mga elemento ng Parañaque City Police ang tatlong Chinese national na dumukot, nanakit at ilegal na nagdetine sa isang Taiwanese national sa isang hotel nitong 7 Enero ng madaling-araw dahil sa hindi nabayarang utang.
Iniharap sa media nina Southern Police District (SPD) director, Chief Supt. Tomas Apolinario Jr., at Parañaque City Police chief, Senior Supt. Victor Rosete ang tatlong suspek na sina Zhao Xu, 29; Cai Xing Bao, 29, at Tia Xao Lin, 30, pansamantalang tumutuloy sa Room 202 ng Baymont Suites and Residences sa Airport Rd., Brgy. Baclaran, Parañaque City.
Ayon kay Apolinario, nitong Martes dakong 1:00 pm nang masagip ang biktimang si Lat Yun Chun, 38, pansamantalang nanunuluyan sa Crown Bay Hotel sa Brgy. Tambo ng nabanggit na lungsod.
Ayon sa imbestigasyon, noong 7 Enero ng madaling-araw, palabas ng Resorts World Manila ang biktima nang dukutin ng mga suspek at dinala sa Baymont Suites and Residences sa nasabing lugar.
Siningil umano ng mga suspek ang biktima ng P100,000 halaga ng utang ngunit P60,000 lamang ang naibayad ni Lat.
Makaraan dukutin, tinawagan ng mga suspek ang pamilya ng biktima at sinabing hawak nila si Lat at kailangan bayaran ang inutang na ginamit sa pagsusugal sa casino.
Dahil dito, napilitan humingi ng ayuda ang pamilya ng biktima sa tanggapan ng Taiwan Economic and Cultural Office (TECO) na agad humingi ng tulong sa Parañaque City Police.
Agad nagkasa ng rescue operation ang Parañaque Police at nasagip ang biktimang nakakulong sa isang silid ng nabanggit na hotel dakong 1:00 pm nitong Martes. Habang payapang sumuko ang nabanggit na mga suspek.
Ayon sa biktima, hindi niya kilala ang mga suspek at maaaring inutusan sila ng kanyang pinagkakautangan sa casino para siya ay dukutin.
(JAJA GARCIA)