NANINIWALA ang mayorya ng mga Filipino na mas magaling na presidente si Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte kompara kay dating Pangulong Benigno Aquino III.
Ito ang lumabas sa pinakahuling survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS) nitong 8-16 Disyembre 2017.
Batay sa SWS survey, 70 porsiyento ang naniniwalang mas maganda ang performance ni Duterte kompara kay Aquino habang walong porsiyento ang nagsabi na mas mainam na leader si Aquino.
Umabot sa 22 porsiyento ang may opinyon na pareho lang ang performance nina Aquino at Duterte.
“Kung ikokompara ang pagganap ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang tungkulin mula Hulyo 2016 sa pagganap ni dating Pangulong Aquino mula Hulyo 2010 hanggang Hulyo 2016, masasabi n’yo ba na PRRD is better, the same, PNoy is better?” isa sa mga tanong ng SWS sa respondents.
Kaugnay nito, umani ng pinakamataas na approval rating si Duterte sa 86% sa Mindanao, 73% sa Metro Manila, 64% sa Visayas at 63% sa Luzon, ayon sa latest Pulse Asia “Ulat ng Bayan.”
Nananatili anila na “most trusted and approved president” si Duterte sa nakalipas na halos isang dekada batay sa survey noong Disyembre 2017.
(ROSE NOVENARIO)