TABLADO sa Palasyo ang New Year’s wish ni Communist Party of the Philippines (CPP) founding chairman Jose Ma. Sison na ituloy ang peace talks sa administrasyong Duterte.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, sa kasalukuyang sitwasyon, malabong umusad muli ang usapang pangkapayapaan sa CPP-NPA-NDF.
Ani Roque, kailangan patunayan ng rebeldeng komunista ang sinseridad sa pagsusulong ng kapayapaan.
“As of now, malabo. They need to show and prove good faith. Over the holidays despite ceasefire, they attacked anew,” ani Roque.
Matatandaan, kinansela ni Pangulong Duterte ang peace talks sa komunistang grupo bunsod nang sunud-sunod na pag-atake ng NPA sa mga tropa ng pamahalaan at inosenteng sibilyan.
Ayaw rin pumayag ni Duterte sa alok na coalition government ng komunistang grupo.
Idineklara ni Duterte bilang terrorist group ang CPP-NPA gaya ng klasipikasyon ng US sa mga rebeldeng komunista.
ni ROSE NOVENARIO