ITINALAGANG bagong head coach ng La Salle Green Archers ang dating top deputy na si Louie Gonzales.
Ito ay matapos lumutang kahapon ang umano’y pagpupulong na ginanap noong nakaraang Biyernes sa San Miguel headquarters noong nakaraang Biyernes kung saan nga ay binasbasan ng La Salle chief patron na si Danding Cojuanco si Gonzales bilang bagong head coach.
Noong nakaraang Martes, pumutok ang balita ng pagbitiw sa puwesto ni coach Aldin Ayo bunsod ng napipintong paglipat nito sa University of Santo Tomas.
Napaugong na dadalhin ni Ayo sa Growling Tigers ang kanyang coaching staff na sina Miggy Solitaria at McJour Luib bukod kay Gonzales, Glenn Capacio at Siot Tanquingcen na nanatili sa Green Archers.
Ang naturang kaganapan ay nagmitsa sa paghihiwalay ng dalawang coach na si Gonzales at Ayo na matagal na ang pinagsamahan.
Noong 1999 kung kailan nagwagi ang Letran Knights sa National Collegiate Athletic Association ay bahagi si Gonzales ng coaching staff ng noo’y head coach na si Binky Favis habang si Ayo naman ay manlalaro noon.
Kasama rin ni Ayo si Gonzales sa pagtimon sa Knights sa 2015 NCAA Championship gayundin sa pag-gabay nila sa Green Archers sa 2016 UAAP championship.
Matagal nang nagsisilbing assitant coach si Gonzales tulad ng sa Globalport at KIA sa PBA gayundin sa Far Eastern University at sa wakas ay nabigyan din ng pagkakataon ngayon na magabayan ang dati ring koponan ng kanyang ama noong 1969.
Ngunit hindi ito magiging madali kay Gonzales lalo na’t sasabak ang La Salle sa isang malaking pagsubok sa Season 81 matapos ang pag-alis din ng two-time Most Valuable Player na si Ben Mbala upang maglaro ng professional basketball sa Mexico.
Hangad ng La Salle na maibalik sa Taft ang kampeonato matapos ngang yumukod sa karibal na Ateneo sa katatapos lang na UAAP Season 80 Finals.
ni John Bryan Ulanday