PINAGSISIHAN na ni Renaldo Balkman ang kanyang mga nagawa sa nakaraan at sabik na ngayong magpakilalang muli matapos ngang kunin na import ng Tanduay-Alab Pilipinas sa idinaraos na 2017-2018 Asean Basketball League.
Magugunitang noong 2013, nasangkot si Balkman sa isang kagimba-gimbal na insidente sa Philippine Basketball Association nang sakalin niya ang sariling kakampi sa Petron na si Arwind Santos.
Bunsod nito, nagmulta si Balkman ng tumataginting na P250,000 at tuluyan nang na-ban upang maglaro sa PBA habambuhay.
Ngunit lahat ng ito ay nakaraan na umano at ngayo’y nagbabalik si Balkman bilang bagong tao at manlalaro.
“Thankful for the opportunity to do what I love to do. 5 years to the day, I did something I regret and I learned a valuable lesson from it,” ani Balkman sa kanyang opisyal na social media account na @rbalkman.
“Always remember to keep your composure and to be the best role model you can be. Now I finally have chance for redemption,” pagtatapos ni Balkman.
Huling naglaro si Balkman sa Reales Dela Vega sa Dominican Republic League. Sa kanyang panahon sa Petron sa 2013 PBA Commissioner’s Cup, nagrehistro si Balkman ng solidong 25 puntos at 13.4 rebounds kada laro.
At iyon ang inaasahang maipagpapatuloy ni Balkman para sa Alab na aasang mabaliktad ang masamang simula sa 1-3 kartada.
Magsisimula ang tangkang redempsyon ni Balkman ngayon sa pakikipagtuos ng Alab kontra Westports Malaysia Dragons sa Filoil Flying V Center sa San Juan.
Makakasama ni Balkman sa Alab si Justin Brownlee at ang nagdedepensang lokal na Most Valuable Player na si Rayray Parks Jr.
Pinalitan nila Balkman at Brownlee ang mga dating import ng Alab na sina Reggie Okosa at Ivan Johnson.
ni John Bryan Ulanday