NAIGUHIT na ng Alab Pilipinas sa wakas ang una nitong panalo sa Asean Basketball League nang tupukin ang Formosa Dreamers, 78-61 sa Changhua County Stadium sa Taiwan kamakalawa.
Umangat sa 1-3 ang kartada ng Alab para bigyan din ng kauna-unahang panalo si Jimmy Alapag sa propesyonal na karera bilang punong-gabay.
Hindi nakapaglaro ang isang import ng Alab na si Ivan Johnson ngunit nagpasiklab ang isa pa nitong reinforcement na si Regie Okosa na sinalo ang kargada kasama sina Rayray Parks Jr., at Josh Urbiztondo.
Nasa unahan ng pitong puntos, 39-32 matapos ang dalawang kanto, pinangunahan ni Okosa ang ratsada ng Alab sa ikatlong kanto upang makapagtayo ng komportableng 62-48 kalamangan.
Hindi na bumitaw ang Alab sa unahan tungo sa kauna-unahang panalo matapos ang masaklap na kabiguan sa Singapore at sa Hong Kong nang dalawang beses.
Kumayod ng halimaw na 19 puntos, 19 rebounds at 2 blocks si Okosa habang may 12 puntos at 7 assists ang dating manlalaro sa PBA na si Urbiztondo.
Nag-ambag din ang nagdedepensang MVP na si Parks ng 12 puntos at 10 rebounds.
Nagdadag ng tig-7 puntos ang mga beteranong sina Rico Maierhofer at Dondon Hontiveros.
Samantala, nauwi sa wala ang 19 puntos ni Lenny Daniel para sa Formosa na lumagapak sa 1-3 marka. (JBU)