ITINARAK ni LeBron James ang ika-60 niyang triple double upang pangunahan ang 109-100 panalo ng Cleveland kontra Utah Jazz sa umiinit na 2017-2018 National Basketball Association kahapon.
Naglista ang 32-anyos na si James ng 29 puntos, 10 assists at 11 rebounds para sa Cavs na umangat sa 22-8 kartada.
Bunsod nito, naungusan ni James si Larry Bird bilang ikaanim na pinakamaraming triple doubles sa kasaysayan ng NBA.
Nasa unahan na lamang ni James sina Wilt Chamberlain (78),
Russell Westbrook (89),
Jason Kidd (107),
Magic Johnson (138)
at Oscar Robertson.
Mula nang simulan ang season sa 5-7 kartada, napanalunan ng Cavs ang 17 sa huling 18 laro na kinatampukan ng 13 sunod na panalo upang pumangalawa sa Eastern Conference sa likod ng Boston na may 24-6 marka.
Nagdagdag si Kevin Love at Kyle Korver ng 15 at 12 puntos, ayon sa pagkakasunod para sa Cavs.
Samantala, nawalan ng saysay ang 26 puntos ng rookie na si Donovan Mitchell para sa Utah na naglaro nang wala si Rudy Gobert at Derrick Favors.
Nalaglag sa ikasiyam sa West ang Jazz sa 14-16 kartada. (JBU)