Saturday , November 16 2024

Kahit si Noynoy ‘di sasantohin sa Dengvaxia probe — Palasyo

WALANG sasantohin ang adminis­tras­yong Duterte sa imbestigasyon sa Dengvaxia scam kahit umabot pa kay dating Pangulong Benigno Aquino III at iba pang matataas na opisyal ng kanyang gobyerno.

“Basta ang sabi ni Presidente, ituloy ang imbestigasyon ng DoJ, ituloy ang imbestigasyon ng Senado, at kung mayroong dapat managot, pananagutin niya,” tugon ni Roque sa pag-usisa ng media kung hanggang kay Aquino ay puwedeng panagutin sa Dengvaxia scam.

“For the time being though, ‘yung introduction ng dengue vaccine, he would have done the same thing,” ani Roque.

Nauna nang sinabi ng Pangulo na maaaring “in good faith” ang pagbasbas ng administrasyong Aquino sa Dengvaxia, para sugpuin ang dengue na talamak noon sa ating bansa.

“Because he himself has suffered from dengue and you can’t deprive the people of what they thought would be protection against a deadly disease when it existed,” dagdag ni Roque.

ni ROSE NOVENARIO

AQUINO HUMARAP
SA DENGVAXIA
PROBE SA SENADO

HUMARAP si dating Pangulong Benigno “Noy­noy” Aquino III sa mga senador sa unang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ukol sa kontrobersiyal na dengue vaccine.

Katulad ng inaasahan, mariing pinabulananan ni Aquino ang lahat ng mga akusasyon sa kanya ukol sa kontrobersiyal na bakuna.

Ayon kay Aquino, walang ano mang anomalyang naganap sa naging transaksiyon sa naturang programa ng pamahalaan at ito ay dumaan sa tamang proseso.

Ngunit sa kabila nito, hindi sinakyan ni Senador Richard Gordon ang mga palusot ng dating pangulo.

Iginiit ni Gordon, hindi maiaalis ang ano mang pangamba ng publiko ukol sa naturang proyekto lalo na’t lubhang kuwestiyonable ang timing sa mabilis na pag-aproba sa pagbili ng bakuna, at nakipagpulong si Aquino sa mga opisyal ng Sanofi, ang supplier ng Dengvaxia.

Sa naturang pagdinig, nagturuan ang ilang mga opisyal kung sino ang dapat sisihin sa bakuna.

Sa panig ng World Health Organization (WHO), sinabi ng opisyal na hindi pa nila pinahihintulutan ang bakuna nang ilunsad ito ng DoH.

(NIÑO ACLAN)

PAGBILI
NG DENGVAXIA
IDINEPENSA

IDINEPENSA ni dating Pangulong Benigno Aquino III ang desisyon ng kanyang administrasyon sa pagbili anti-dengue vaccine na Dengvaxia.

Sa harap ng Blue Ribbon Committee, nag-iimbestiga sa P3.5-billion vaccination program, sinabi ni Aquino kahapon, walang ni isang nagprotesta noong pinagpapasyahan ang pagbili ng bakuna laban sa dengue.

“Diin ko lang po: Bago nagdesisyon ang gobyerno sa Dengvaxia, habang nagdedesisyon, pagkatapos magdesisyon at hanggang sa ngayon, walang naparating sa akin ng pagtutol sa bakuna,” pahayag ni Aquino.

“Kaya natin inilunsad ito sa NCR, Calabarzon, at Central Luzon, dahil ayon sa datos ng DoH, ito po ang tatlong pinaka-apektadong rehiyon noong 2015 kaugnay ng dengue,” dagdag niya.

Aniya, pinagtuunan ng kanyang administrasyon ang dengue makaraan siyang makatanggap ng memorandum galing kay dating Health Secretary Enrique Ona noong 2010.

Nakalagay aniya sa memo na nakaaalarma ang bilang na kaso ng nakamamatay na dengue sa limang rehiyon.

Dagdag aniya sa memo, aabot sa 2.8 milyong tao ang nanganganib na madapuan ng nakamamatay na virus dulot ng lamok sa mga panahong iyon.

“Ang dalawa sa limang rehiyon, mahigit 100 percent ang itinaas. May isa na 1,409.5 percent increase or 14 na beses ang itinaas,” paliwanag ni Aquino.

Aniya, tiyak na mababatikos din ang kanyang administration kung hindi niya hinarap ang banta ng dengue.

“Kung ‘di lumabas itong sinabi ng Sanofi, at nagdesisyon akong hayaan na lang na magdusa pa ang mga boss ko, gayong may bakuna na, palagay ko ngayon, iba ang tanong ninyo at asunto sakin: ‘Bakit mo pinabayaan ang Filipino?’”

Inamin ni Aquino ang pagpunta niya sa Paris noong 2015 para sa COP21 conference (climate change summit), at doon nakipagpulong siya sa iba’t ibang kompanya, kabilang ang Sanofi Pastuer (manufacturer ng Dengvaxia) upang pag-usapan ang bakuna laban sa dengue.

Giit ni Aquino, dumaan ang bakuna sa pama­magitan ng “local and international processes.”

“Paliwanag sa akin, US Food and Drug Administation ang nagre-regulate sa international clinical trials. Dahil dumaan sa ganitong mga proseso, ang alam natin, safe na ang Dengvaxia para sa tao.”

“Diin ko na rin po: Hindi lang Filipinas ang nag-aproba sa Dengvaxia. Nauna sa atin ang Mexico at Brazil.”

Nagsimula ang programa sa pagbabakuna laban sa dengue noon Abril 2016, isang buwan bago ang presidential elections.

Batay sa datos ng DoH, aabot sa 830,000 public school students ang nabakunahan ng Dengvaxia sa Central Luzon, Calabarzon, Metro Manila, at sa Cebu.

Inianunsiyo ng Sanofi noong Nobyembre, na maaaring maging sanhi ng “severe dengue” ang Dengvaxia sa mga bata na hindi pa dinadapuan ng dengue.

Tinurukan
ng Dengvaxia
14,000 PULIS
BABANTAYAN
NG PNP

INIUTOS ni Philippine National Police chief, Director General Ronald “Bato” Dela Rosa ang pag-monitor sa kondisyon ng 14,000 pulis na tinurukan ng dengue vaccine Dengvaxia.

“To those unfortunately vaccinated by this, I am giving instructions to Dr. [Edward] Carranza, director of Health Service, to monitor everything…kawawa naman kung may mangyari,” pahayag ni Dela Rosa makaraan bisitahin ang mga sugatang pulis sa PNP General Hospital sa Camp Crame.

Ang utos ni Dela Rosa ay makaraan ihayag ni Dr. Reimond Sales, PNP General Hospital chief, na 14,000 pulis ang unang batch na tinurukan ng Dengvaxia simula noong Setyembre habang ang pangalawang batch ay isinagawa habang ginugunita ang ika-24 anibersaryo ng PNP Health Service noong 21 Nobyembre.

“Actually yesterday, nagkaroon kami ng dialogue with PCMC (Philippine Children’s Medical Center), saka all Crame-based personnel na nabakunahan, natanong naman nila lahat ng questions nila and they were given assurances na wala mas­yadong magiging problema,” ayon kay Sales.

Sinabi ni Sales, wala pang ulat na may namatay at ang mga nabaku­nahan ay maayos ang kondisyon ng kalusugan.

Dagdag niya, “hands off” sila sa pagbakuna at ito ay programa ng Department of Health (DOH).

“It was their (DOH) program, hands off kaming lahat, not tossing of hands pero pati ‘yung actual vaccination sa pas-yente hindi kami pinakialaman ng PCMC. Sila talaga lahat,” aniya.

 

About Rose Novenario

Check Also

Robin Padilla West Philippine Sea WPS

Para sa impormasyon tungkol sa West Philippine Sea
SEN. ROBIN, PCG GAGAWA NG PELIKULANG ANTI-FAKE NEWS

MAY pinaplanong sine si Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla para maghatid ng tamang impormasyon sa …

Erwin Tulfo

Tulfo una sa bagong survey

NANGUNA si ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo sa pinakabagong senatorial preference survey na isinagawa ng …

Senate PCO

Seminar vs fake news hikayat ni Pimentel sa PCO para sa Senado

INIMBITAHAN ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang Presidential Communications Office (PCO) na …

Las Piñas Seal of Good Local Governance

Las Piñas City pinarangalan ng Seal of Good Local Governance 2024 ng DILG

SA KAUNA-UNAHANG PAGKAKATAON, pinarangalan ang Las Piñas City ng prestihiyosong Seal of Good Local Governance …

Siling Labuyo

Apela ni Kiko  
BANTAY SILING LABUYO, PRICE FREEZE SAKLAWIN

MAHIGPIT na implementasyon ng price freeze ang kailangan upang mapigil ang pagtaas ng presyo ng …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *